TINAWAG na “irrelevant” at walang kwenta si dating Presidential Spokesperson Harry Roque dahil umano sa pakikiepal nito sa isyu ng International Criminal Court (ICC).
Ito ang tahasang inihayag ni Justice Secretary Jesus “Crispin” Remulla hinggil sa mga kasong crimes against humanity na isinampa laban kay dating pangulong Duterte sa The Hague, Netherlands.
Sa “Kapihan sa Manila Bay” sa Cafe Adriatico, Malate, Manila, sinabi ni Remulla na sinisiksik lamang ni Roque ang kanyang sarili sa isyu upang magmukhang relevant.
“Wala siyang kinalaman dito. Wala siyang bilang,” aniya.
Hinikayat din ni Remulla si Roque na harapin ang mga kasong human trafficking laban sa kanya kaugnay ng sinasabing paglahok nito sa operasyon ng isang ilegal na POGO hub sa Porac, Pampanga.
“Harapin niya kung ano man ang sinasakdal sa kanya. Magpaka-Pilipino siyang maayos. Wala pa ngang nangyayari, tumatakas na siya e. Abogado pa naman s’ya. Hindi siya sumusunod sa batas,” banat pa ng kalihim.
Hinamak din ni Remulla ang political asylum na hinihingi ni Roque sa Netherlands habang kinakaharap ang kasong human trafficking sa DOJ at ang warrant of arrest na inilabas laban sa kanya ng Kamara de Representantes.
Lumipad siya patungong Netherlands kamakailan, matapos ang pag-aresto kay Duterte, na kinasuhan sa ICC ng mga krimen laban sa sangkatauhan kaugnay ng kanyang brutal na kampanya kontra droga.
Umuwi Ka Na Lang
Kaugnay nito, hinamon ni Remulla si Roque na imbes maggiit ng asylum sa The Netherlands ay harapin at depensahan na lang niya ang human trafficking na isinampa laban sa kanya sa DOJ.
Payo pa ni Remulla, dumistansya si Roque kay Duterte at ‘wag nang makiepal.
Ayon sa kalihim, hindi makalulusot si Roque kahit pa nasa Netherlands ito dahil posibleng makapagpalala lang ito sa mga preliminary investigation na gagawin ng DOJ panel para madiin ito sa kaso.
Bagama’t hindi na kailangang sundin ang mga alituntunin ng ICC, sinabi ni Remulla na mahalaga pa rin ang paggalang ng bansa sa ICC gayundin ang paggalang ng international tribunal sa Pilipinas.
Kasalukuyang nasa Netherlands si Roque para boluntaryong maging abogado ng dating pangulo.
Ito ay sa paniniwalang ‘state kidnapping’ ang ginawa ng ICC at Interpol laban sa dating pangulo. (JULIET PACOT)
