At Your Service ni KA FRANCIS
KAPAG umabot sa bubong ang baha, hindi na lamang ito usapin ng abala sa trapiko o basang gamit. Para sa mga pamilyang nawawalan ng hanapbuhay, nasisira ang mga ari-arian at napipilitang lumikas, ang baha ay isang krisis na direktang tumatama sa kanilang kabuhayan at dignidad. Kaya naman muling umuugong ang panawagan ng Alliance for Good Governance (AGG) at mga residente ng Bulakan, Bulacan sa Office of the Ombudsman: Panahon nang kumilos at linawin kung sino ang dapat managot sa umano’y maanomalyang flood control projects.
Halos 14 barangay ang sinasabing patuloy na nakararanas ng malawakang pagbaha, kabilang ang Taliptip, Perez, Matungao, Bambang, Sta. Ana, San Jose, San Nicolas, Balubad, Tibig at Sta. Ines. Sa likod ng bawat barangay na ito ay mga pamilyang hindi lamang nakikipagbuno sa tubig kundi pati sa tanong kung bakit paulit-ulit na lamang silang nalulubog. Kung bilyun-bilyong piso ang inilaan para sa mga proyektong dapat sana’y magprotekta sa mga komunidad, makatarungan lamang na itanong: Nasaan ang resulta?
Mas mabigat ang usapin dahil may mga alegasyon na ang ilang flood control projects ay palpak o naging “ghost projects”—mga proyektong pinondohan ngunit sinasabing hindi naman talaga naipatupad nang maayos o lubos. Ngunit mahalagang idiin: Ang mga alegasyong ito ay kailangang patunayan sa pamamagitan ng imbestigasyon, dokumento at ebidensya. Hindi sapat ang paratang, ngunit hindi rin sapat na basta na lamang ito balewalain. Ang tungkulin ng mga institusyon ng gobyerno ay alamin ang katotohanan.
Dito pumapasok ang malaking responsibilidad ng Ombudsman. Kung may mga reklamo at dokumentong isinumite, hindi dapat manaig ang mabagal na proseso hanggang sa tuluyang makalimutan ng publiko ang isyu. Ang hustisya ay hindi lamang tungkol sa pagsasampa ng kaso; tungkol din ito sa mabilis, patas at transparent na pagtukoy kung may nagkasala at kung sino ang dapat managot. Habang tumatagal ang imbestigasyon, patuloy namang nagdurusa ang mga residenteng nasa mismong sentro ng problema.
Kapansin-pansin din ang panawagan ng AGG na huwag lamang tingnan ang mga opisyal ng gobyerno kung mapatutunayang may anomalya. Kung may pribadong kontratistang sangkot sa anomang iregularidad, dapat din itong siyasatin. Ang isang maanomalyang transaksyon, kung mapatutunayan, ay hindi maaaring mangyari dahil lamang sa kagagawan ng isang panig. Kung may public official na tumanggap, sino ang nagbigay? Kung may proyekto na minanipula, sino ang nakinabang? At kung may kontratang iginawad sa kuwestiyonableng paraan, sino ang tunay na nasa likod nito?
Lalong naging seryoso ang alegasyon matapos banggitin ni Alberto Vicente ang mga sworn affidavit ng dating DPWH officials na sina Brice Hernandez at Jaypee Mendoza. Ayon sa kanilang mga pahayag, umano’y ginamit ang isang puting van ng TBB Construction Corporation sa paghahatid ng malalaking halaga ng cash na sinasabing bahagi ng suhol. Napakabigat ng ganitong paratang. Ngunit dahil mabigat ito, lalo ring kinakailangang dumaan sa wastong proseso: beripikasyon, pagsusuri ng dokumento, pagtukoy sa mga testigo at iba pang ebidensiyang maaaring magpatibay o magpabagsak sa alegasyon.
Hindi rin dapat mawala sa sentro ng usapan ang kalagayan ng mga residente. Sa bawat araw na hindi humuhupa ang baha, may tindahang hindi mabuksan, trabahador na hindi makapasok, magsasakang hindi makapagtrabaho at pamilyang kailangang gumastos para makabangon. Kapag paulit-ulit ang ganitong sitwasyon, ang flood control ay hindi na simpleng infrastructure project. Ito ay usapin ng seguridad, kabuhayan at mismong kinabukasan ng isang komunidad.
Kung may mga kumpanyang pinagdududahan dahil sa umano’y anomalya, dapat ding maging malinaw kung patuloy pa ba silang nakakukuha ng mga kontrata ng gobyerno at kung kwalipikado pa ba silang lumahok sa mga bagong proyekto habang may mga nakabinbing alegasyon. Hindi ito nangangahulugang dapat agad silang hatulan. Ang ibig sabihin lamang nito ay dapat may masusing due process at pagsusuri upang matiyak na ang pera ng bayan ay napupunta sa mga proyektong tunay na kailangan at tunay na naipatutupad.
Sa huli, hindi dapat maging paligsahan sa pulitika ang isyu ng baha. Ang tubig ay walang partido, walang kulay at walang pinipiling botante. Kapag umapaw ang ilog at bumaha ang mga kalsada, lahat ng ordinaryong mamamayan ang unang naaapektuhan. Kaya ang hinihingi ng mga residente ay hindi dapat ituring na simpleng reklamo. Ang hinihingi nila ay malinaw na sagot: Saan napunta ang pera, ano ang tunay na ginawa, sino ang nakinabang at sino ang mananagot kung may napatunayang paglabag?
Ang panawagan ngayon ay simple ngunit mabigat: Kumilos ang Ombudsman. Imbestigahan ang mga alegasyon, siyasatin ang mga dokumento, pakinggan ang mga testigo at kung may sapat na ebidensiya, sampahan ng kaso ang sinomang mapatutunayang lumabag sa batas—opisyal man ng gobyerno o pribadong kontratista. Sapagkat sa isang lugar na paulit-ulit na nilulunod ng baha, hindi lamang flood control ang kailangan. Kailangan din ng accountability. At kung tunay na nais ng pamahalaan na pigilan ang susunod na baha, dapat kasabay ng pagbaba ng tubig ang pag-agos ng pananagutan.
oOo
Para sa inyong katanungan, maaari po kayong mag-text sa cell# 0917-861-0106.
93 