Sa Indonesia trip ni PBBM INVESTMENT PLEDGES UMABOT SA $7B

SA pagbabalik ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa Pilipinas mula sa kanyang kauna-unahang state visit sa Indonesia ay bitbit nito ang $7 billion investment pledges mula sa mga negosyante at investors ng nasabing bansa.

Sinabi ng Office of the Press Secretary (OPS) na ang commitment ay nangyari sa isinagawang Jakarta Business Roundtable Meeting, nitong Lunes.

Kabilang sa $7 billion investments sa imprastraktura para sa unsolicited private-public partnerships ang C-5 four-level elevated expressway, $822 million na investments sa “textiles, garments, renewable energy, satellite gateway, wire global technology, at agricultural food.”

Mayroon ding $662-million trade value para sa suplay ng uling at fertilizer.

Nauna nang sinabi ni Pangulong Marcos ang posibilidad na mag-supply ng urea fertilizer at uling sa Pilipinas ang Indonesia.

Binanggit kasi ni Pangulong Marcos ang agriculture at energy sector concerns sa kanyang Indonesian counterpart, si President Joko Widodo.

Ayon sa OPS, ang business deals sa pagitan ng Pilipinas at Indonesia ay maaaring makalikha ng 7,000 bagong oportunidad sa hanapbuhay.

Sa kabilang dako, sinabi ni Pangulong Marcos na ang kanyang three-day state visit ay naging “more productive than we had expected.”

Ito’y dahil matagumpay na tinintahan ng dalawang bansa ang “ekonomiya, kultura at tanggulang kasunduan” at maging ang plan of action para sa bilateral relations sa susunod na limang taon.

Kahapon ay nasa Singapore pa si Pangulong Marcos at umaasa na makakakuha at makapag-uuwi rin ng investment deals para sa Pilipinas.

Samantala, itinuturing ni House ways and means committee chairman Joey Salceda na “most fertile part” ng biyahe ni Pangulong Marcos Jr. sa Indonesia ang government-to-government discussions sa pagbili ng urea para masuportahan ang mga magsasaka.

Ayon kay Salceda, nangangahulugan ito na bababa ang presyo ng nasabing abono dahil wala nang middleman.

Ang Indonesia ang ikatlong bansa sa mundo na producer ng urea fertilizer kasunod ng India at Russia.

Sinabi ng mambabatas na nangangailangan ng 40 kilogram ng urea ang kada isang ektaryang taniman bawat cropping season kaya 120,000 metric tons ang kailangan ng bansa bawat panahon ng pagtatanim.

Bukod sa palay ay ginagamit din aniya ang nasabing abono sa iba pang pananim tulad ng tubo kaya malaking bagay aniya sa mga magsasaka kung maibababa nang husto ang presyo ng abono.

“A strategic partnership with Indonesia to cut out the middlemen will surely reduce prices, towards PBBM’s direction of cheap domestic food production,” ayon pa sa mambabatas. (CHRISTIAN DALE/BERNARD TAGUINOD)

177

Related posts

Leave a Comment