Sa pag-aresto kay Duterte 5 GOV’T OFFICIALS PINAGPAPALIWANAG NG OMBUDSMAN

INATASAN ng Office of the Ombudsman ang limang matataas na opisyal ng gobyerno na magpaliwanag hinggil sa pagkakaaresto kay dating pangulong Rodrigo Roa Duterte.

Pinagsusumite ng Ombudsman sina Department of Justice Secretary Jesus Crispin Remulla, Department of Interior and Local Government Secretary Jonvic Remulla, Philippine National Police Chief Gen. Rommel Marbil, PNP Criminal Investigation and Detection Group Chief Maj. Gen. Nicolas Torre III, Special Envoy for Transnational Crimes Markus Lacanilao ng counter-affidavit sa inihaing reklamo laban sa kanila.

Sa naisapublikong dokumento ng Ombudsman, ang mga nabanggit na respondents ay binigyan lamang ng sampung (10) araw mula sa petsa ng pagkakatanggap sa naturang dokumento upang ibahagi ang kanilang kasagutan sa tanggapan.

Ito’y sa pamamagitan ng pagsusumite ng counter-affidavit kasama ang iba pang mga supporting documents pati ang affidavit ng kanilang witnesses.

Ang naturang kautusan o direktiba ng Ombudsman ay may kaugnayan sa reklamong inihain sa report ng chairperson ng Senate Committee on Foreign Relations na si Senadora Imee Marcos.

Nakasaad sa reklamong inihain sa tanggapan ng Ombudsman ang mga reklamong paglabag hinggil sa Arbitrary Detention, Usurpation of Judicial Functions sa ilalim ng Article 241 ng Republic Act No. 3019 o mas kilala bilang Anti-Graft and Corrupt Practices Act, pati na rin ang graft, grave misconduct, at iba pa na kakaharapin ng mga sangkot umanong opisyal ng gobyerno.

Samantala, sa panig naman ng respondents, magugunitang ibinahagi kamakailan ni DOJ Secretary Remulla na handa niyang harapin ang reklamong ito sa Ombudsman.

Kumpiyansa umano siya at ginawa lamang nila kung ano ang nararapat nang arestuhin si Duterte sa kasong kinakaharap ngayon sa International Criminal Court (ICC).

(JULIET PACOT)

47

Related posts

Leave a Comment