PBBM NAIS NI VP SARA MANAGOT SA PAG-ARESTO KAY FPRRD

TAHASANG binanggit ni Vice President Sara Duterte na dapat na papanagutin si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. para sa sinasabing pagpayag nito na arestuhin ang kanyang ama na si dating pangulong Rodrigo Roa Duterte na kalaunan ay inilipat sa International Criminal Court (ICC).

Sa isang panayam, sinabi ni VP Sara na naniniwala siya na ang mas mataas na opisyal kaysa kina Justice Secretary Jesus Crispin “Boying” Remulla, Interior Secretary Jonvic Remulla, Philippine National Police chief Police General Rommel Marbil, at CIDG chief Police Major General Nicolas Torre III ay dapat lamang papanagutin sa nangyari sa kanyang ama.

“Dapat talaga managot ang Pangulo ng Pilipinas because he allowed foreign entity, foreign organization to interfere with our national sovereignty,” ang sinabi ni VP Sara.

“Hindi naman mangyayari lahat ‘yun kung walang approval ng Pangulo. ‘Yung tinatawag natin na rendition o ‘yung pagkidnap o pagkuha ng isang citizen sa loob ng bayan niya at dalhin siya sa isang foreign jurisdiction para ipakulong doon, hindi mangyayari ‘yan kung walang approval ng President,” aniya pa rin.

Sa ilalim ng batas ng Pilipinas, ang Pangulo ay ‘immune’ mula sa anomang kaso, asunto at demanda sa panahon ng kanyang panunungkulan.

“Malabo na gumalaw ang mga departments ng kanya kanya lang unless incapacitated na talaga ‘yung President natin na hindi na talaga din niya alam kung anong nangyayari sa bayan,” dagdag ng batang Duterte.

Kamakailan ay isinumite na ni Senator Imee Marcos sa Office of the Ombudsman ang chairman’s report ng Senate Committee on Foreign Relations.

May kaugnayan ito sa pagkakaaresto kay dating pangulong Duterte na dinala sa the Hague dahil sa kasong crimes against humanity.

Sa sulat nito kay Ombudsman Samuel Martires, isinaad ni committee chairperson Imee Marcos na sa pagdinig ay naisiwalat ang ginawa ng matataas na opisyal ng gobyerno.

Sa mga hakbang ng matataas na opisyal ng gobyerno ay maaaring maharap ang mga ito sa criminal at administrative cases.

Ilan sa mga opisyal na nais ng senadora na imbestigahan ng Ombudsman ay sina Justice Secretary Jesus Crispin “Boying” Remulla, Interior Secretary Juanito Victor “Jonvic” Remulla, PNP chief Police Gen. Rommel Marbil, CIDG chief Police Gen. Nicolas Torre III, at Special Envoy for Transnational Crimes Markus Lacanilao.

Naniniwala rin ang senador na ang Ombudsman ay walang takot at wala rin itong pinapanigan at kanilang kakasuhan ang mga dapat na kasuhan.

(CHRISTIAN DALE)

45

Related posts

Leave a Comment