PUNA ni JOEL O. AMONGO
HINAMON ng bagong kalihim ng Department of Transportation (DOTr) na si Secretary Vince Dizon, si Land Transportation Office (LTO) chief, Atty. Vigor Mendoza na madaliin ang pag-iisyu ng plaka ng mga sasakyan.
Ayon sa hamon ni Sec. Dizon kay Atty. Mendoza, ang mga bagong rehistradong sasakyan ay kinakailangang sa loob ng “three working days” ay maisyuhan ng mga plaka ng LTO.
“Masisiguro ba natin na sa loob ng 24, 48, o 72 oras, makukuha nila ang kanilang mga plaka?” ayon kay Dizon.
Maraming mga motorsiklo at four wheels vehicles ang nananatiling walang plaka maliban sa temporary plates.
Sinabi ni Dizon, kailangang resolbahin ang napakalaking backlog na mahigit sa 9 million na hindi naiisyung motorcycle plates mula pa noong 2014.
Maging ang Commission on Audit (COA) ay nagsiwalat ng malaking problema, na sa pinakahuling ulat nito ay mahigit sa 9.1 milyong plaka ng motorsiklo ang nananatiling hindi maihatid noong 2023.
Iniugnay ng COA ang backlog sa hindi sapat na pondo, pagkaantala sa pagbili, at logistical lapses, binanggit na maraming mga nagparehistro ang nagbayad na para sa kanilang mga plaka ngunit hanggang ngayon ay naghihintay pa rin ang mga ito.
Bilang karagdagan sa mga plaka ng motorsiklo, natuklasan ng COA na 1.69 million pares ng mga pamalit na plaka ng sasakyang de-motor – binayaran ng mga nagparehistro noon pang 2015 – ay hindi pa nagagawa at naipamahagi.
Ang mga hindi na-deliver na mga plaka ay nagkakahalaga ng tumatagingting na P763.55 milyon na bayad na at nakolekta nang hindi natutupad.
Nilinaw ni Dizon, accountability na ang tawag sa larong ito.
Dahil dito, nag-anunsyo si Dizon ng mga planong magtakda ng mahigpit na mga deadline para sa LTO, nagsasaad na kung walang malinaw na takdang panahon, magpapatuloy ang inefficiency o kapalpakan.
Na-PUNA natin na sa kabila ng mga kapalpakan ng LTO ay may nakabinbing pa silang kahilingan na P2.1 bilyon sa Department of Budget and Management (DBM) upang ganap daw na mai-clear ang backlog para sa mga motorsiklo na nagparehistro sa pagitan ng 2014 at 2022.
Saan napunta ang mga ibinayad ng mga nagparehistro ng sasakyan? ‘Di ba awtomatiko n’yong kinakaltas ‘yan agad sa mga nagparerehistro?
‘Di ba nakakolekta kayo ng tumataginting na P763.55 milyon mula sa bayad ng mga nagparehistro ng motorsiklo?
Tingnan natin kung ano ang magiging kapalaran ni LTO chief Mendoza sa ilalim ng bagong DOTr chief.
Natatandaan natin na si Atty. Mendoza ay tao pa ni dating DOTr Secretary Jaime Bautista.
Mag-iiba na ngayon ‘yan dahil aktibo si Sec. Dizon, sa katunayan ngayon pa lang ay marami na siyang napapansin sa kalakaran ng transportasyon na dapat baguhin.
Kabilang na riyan ang pagpapalawig ng oras ng biyahe ng LRT at MRT.
Dapat naman talagang ang itatalaga sa DOTr ay bata pa para mas aktibo ang pag-iisip kung paano sosolusyunan ang mga problema sa transportasyon ng bansa, tulad ‘yang sa trapik sa EDSA.
oOo
Para suhestiyon at reaksyon, mag-email sa operarioj45@gmail.com o mag-text sa cell# 0977-751-1840.
