Sa pang-iisnab sa consti amendments hearing DOE AT NEDA OFFICIALS BINUWELTAHAN NG SOLON

BINANATAN ni Senador Robin Padilla ang ilang opisyal ng executive branch sa pang-iisnab sa hearing ng Senado kaugnay sa constitutional amendments.

Sa kanyang opening statement sa pagdinig ngayong araw, inamin ni Padilla ang kanyang sama ng loob dahil hirap na hirap anya ang Senado sa pag-iimbita ng ilang kalihim.

Tinukoy nito ang mga opisyal ng Department of Energy at National Economic Development Authority.

“Maglalabas lang ako ng kaunting sama ng loob sa mga nagaganap. Hindi ko maintindihan kung bakit hirap na hirap ang Senado na mag-imbita ng ibang secretary. Marami po tayong inimbitahan. Nariyan po sa DOE. Inimbitahan din natin kung meron silang ipapadala sa NEDA,” saad ni Padilla sa kanyang opening statement.

Ipinaalala ni Padilla na alinsunod sa konstitusyon, may balanseng kapangyarihan ang legislative at ang executive kaya’t nakiusap ito sa executive department officials na pagbigyan ang Senado sa mga pagdinig.

Iginiit ng senador na layon nila sa mga hearing ay makasama ang executive department sa pagbalangkas ng anomang batas upang hindi magkaroon ng butas pagdating sa implementasyon.

Kung lalabas anya na palagi na lamang nagmamakaawa ang Senado sa attendance ng mga opisyal ay mas makabubuti pa ang parliamentary system. (DANG SAMSON-GARCIA)

123

Related posts

Leave a Comment