PINAGBIBITIW ni Senador Cynthia Villar ang mga opisyal ng Department of Agriculture (DA) kung hindi aniya kayang maipahagi ng mga ito ang kinita sa coco levy funds kabilang ang mga makinarya at kagamitan na may badyet pero hindi nagagamit.
Sa ginanap na organization meeting ng Senate committee on agriculture, kinastigo ni Villar si Philippine Coconut Authority (PCA) Administrator Benjamin Madrigal Jr. hinggil sa pagkakaantala ng distribusyon ng multi-bilyong peso fund na mabebenepisyuhan ang magniniyog at mapaunlad ang coconut industry.
Kahit naging epektibo lamang noong nakaraang Marso ang Republic Act 11524 o ang Coconut Farmers and Industry Trust Fund Act, kinumpirma ng Department of Budget and Management na umabot lamang sa P750 million ang naipalabas.
Sinabi ni Budget Undersecretary Tina Canda na hindi nakatatanggap ng funding request ang ahensya kahit kaya nitong magpalabas ng P5 bilyon kada taon.
Ngunit, sinabi ni Madrigal na dapat ang implementing agencies ang magsasagawa ng request na mahigpit na kinastigo ni Villar.
“Ikaw ang head ng PCA, hindi ba responsibility mo na ma-implement ‘yan? Edi tawagan mo nang tawagan kung ayaw nila mag-request. Ikaw ang mag-follow up. Bakit ka magwa-wash ng hand diyan?” kastigo ni Villar kay Madrigal.
“Kung di mo kaya gawin ‘yan edi mag-resign ka!” giit ni Villar.
Ipinangako ni Madrigal na makikipagtulungan siya sa iba upang matugunan ang isyu.
Binatikos din ni Villar ang Bureau of Soils and Water Management (BWSM) sa pagkakaantalang bumili at mamahagi ng 1,000 composting machines, na may halagang ₱1.1-billion mula sa Rice Tariffication Law na hindi nagagamit.
“As early as December last year, madam, we started the procurement process of this. But unfortunately, we just sought the authority to procure these units from the Office of the Secretary, then Dr. [William] Dar,” ayon kay BWSM officer-in-charge Junel Soriano.
Aniya, kinukumpleto ng ahensiya ang dokumentasyon kaya nagpapatuloy ang procurement process.
“So you can commit to me that if you are not able to do that this year, you will resign? If you’re really decided on this, commit to me,” tugon ni Villar kay Soriano.
“I’m not saying that po madame but rest assured po that I’m committing I will do all my best po,” ayon sa BSWM official.
Pero, lantarang sinabihan ni Villar si Soriano na “best is not good enough.” (ESTONG REYES)
