SAKO-SAKONG SHABU LUMUTANG SA BATAAN

INIIMBESTIGAHAN ng pamunuan ng Philippine National Police ang sako-sakong shabu na natagpuang palutang-lutang sa karagatang sakop ng Bataan.

Inihayag ni Central Luzon Police Regional Director, BGen. Rogelio Penones Jr., ipinag-utos niya ang pagsisiyasat at pagmamanman matapos na may naglutangan na namanng mga shabu sa dagat.

Nabatid na natagpuan ng isang residente ang anim na sako na naglalaman ng hinihinalang shabu sa karagatan, malapit sa isang lighthouse sa Barangay Sisiman, Mariveles.

Sa pagresponde ng mga pulis, agad nagsagawa ng inventory ang mga ito sa nilalaman ng mga sako. Lumabas na aabot sa 118 kilos ang timbang ng kabuuang kontrabandong narekober.

Pawang nakatago ang mga ilegal na droga sa mga sako ng patuka sa manok.

Sa kabuuan, tinatayang aabot sa P802.4 milyon ang halaga ng narekober na ilegal na droga.

Kabilang sa mga inaalam ng pulisya ay ang pinagmulan ng mga kontrabando ngunit lumalabas sa inisyal na pagsisiyasat na may pagkakatulad ang mga ito sa bulto ng ilegal na droga na nalambat sa Masinloc, Zambales kamakailan.

(JESSE RUIZ)

125

Related posts

Leave a Comment