BEBOT DINAMPOT, 5 BATA NASAGIP SA ONLINE SEXUAL EXPLOITATION

BULACAN – Arestado sa mga tauhan ng NBI-Violence Against Women and Children Division (NBI-VAWCD) ang isang babae sa kasong online sexual exploitation sa mga bata sa bayan ng Marilao sa lalawigan.

Ayon kay NBI Director Jaime B. Santiago, kinilala ang suspek na si alyas “Tisay”, inaresto sa kasong paglabag sa Republic Act No. 9208 as amended by R.A. No. 11862 (Expanded Anti-Trafficking in Persons Act of 2022), R.A. No. 11930 (Anti-Online Sexual Abuse or Exploitation of Children (OSAEC) and Anti-Child Sexual Abuse or Exploitation Materials (CSAEM), at R.A. No. 7610 (Anti-Child Abuse Law).

Nag-ugat ang operasyon sa referral ng Homeland Security Investigation (HSI) hinggil sa Philippine phone numbers na sangkot umano sa Online Sexual Abuse and Exploitation of Children (OSAEC).

Ayon sa HSI, ang referral na ito ay base sa nangyaring pag-aresto sa isang US citizen sa Springfield, Massachusetts, ng US Federal authorities, para sa child exploitation crime.

Aypn sa imbestigasyon ng NBI-VAWCD, ang suspek ay nag-aalok ng

sexually explicit content na kinasasangkutan ng mga menor de edad at nagpapadala ng CSAEMs sa foreign pedophiles.

Sa pamamagitan ng isinagawang surveillance, natunton ang kinaroroonan ng suspek.

Bunsod nito, nag-apply ang NBI-VAWCD agents para sa Warrant to Search, Seize, and Examine Computer Data (WSSECD), na agad namang ibinigay ng korte.

Noong Agosto 13, 2025, ang NBI-VAWCD agents, sa tulong mula sa HSI, NBI-Digital Forensic Laboratory Division (NBI-FLD), NBI-Evidential Multimedia Division (NBI-EMD), CyberTIP IACAT Intelligence Agents, at social workers mula sa Marilao, Bulacan Municipal Social Welfare and Development Office (MSWDO), ay tinungo ang kinaroroonan ng suspek sa Marilao, Bulacan, at inaresto ito.

Nakumpiska sa bahay ng suspek ang iba’t ibang gadgets na ginagamit nito sa kanyang online child sexual exploitation activities.

Kasabay nito, nasagip ng mga awtoridad ang limang bata, kabilang ang isang pamangkin ng suspek.

Agad isinalang ang suspek sa inquest proceedings para sa nabanggit na mga paglabag habang ang mga biktima ay itinurn-over sa kustodiya ng MSWDO.

(RENE CRISOSTOMO)

104

Related posts

Leave a Comment