UMANGKAT ang Department of Health (DOH) ng personnel protective equipment (PPE) mula sa People’s Republic of China na ang inilabas na impormasyon sa media ay P1,800 bawat isa ang halaga.
Tapos, isiniwalat ni Senador Panfilo Lacson na P400 lang ang halaga ng parehong itsura ng PPE sa merkado ng Pilipinas na higit pang matibay kaysa PPE na “Made in China”.
Dito na pumutok ang balitang “overpriced” ang PPE ng DOH.
Sumunod ang balitang sobrang taas din ng presyo ng iba pang medical supplies na binili ng DOH.
Ang isyung ito ang ibinato at patuloy na ibinabato kay Health Secretary Francisco Duque III na diumano’y mga anomalya o korapsyon sa DOH.
Nakakadismaya ito nang todo dahil naganap ang napakataas na presyo ng PPE habang kumikilos ang administrasyong Duterte laban sa paglaganap at pagtaas ng bilang ng mga Filipino na nagkakaroon ng coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Ang overpriced PPE at iba pang isyung korapsyon at kapalpakan ng pamumuno ni Duque sa DOH ang mga ginamit na batayan upang manawagan ang ilang sektor kay Pangulong Rodrigo Duterte na tanggalin na siya sa DOH.
Kaso, tulad ng alam na ng 110 milyong Filipino, sinalo at todo-todong ipinagtanggol ni Duterte si Duque.
Sabi ni Duterte, siya mismo ang nag-utos kay Duque na bilisan ang pagkuha ng mga PPE kahit mahal ang presyo nito.
Ngunit, kahit na nanindigan at ipinagtanggol ng pangulo si Duque, hindi tumitigil ang panawagang tanggalin na ang taong ito sa DOH o kaya ay magbitiw na lang siya sa puwesto.
Kitang-kitang napakalayo na ng paninindigan at pahayag ni Duterte laban sa korapsyon mula noong bagong upong Pangulo pa lang ito ng bansa.
Natatandaan ko at palagay ko natatandaan n’yo rin na kahit “whiff of corruption” lang ang makarating na impormasyon sa kanya ay pihadong tanggal na sa puwesto ang opisyal na napabalitang sangkot sa katiwalian at korapsyon.
Noon totoo ito dahil mayroong ilang opisyal ng pamahalaan ang inalis ni Duterte sa puwesto kahit konting ‘amoy isda’ lang ang naamoy niya o ‘maliit na usok’ pa lang ang nakita niya.
Ngunit, mayroon din namang opisyal na kahit saang ahensiya ilagay ay lumalabas ang napakabahong gawain na hindi sinibak ni Duterte.
Kayo na ang magsabi kung sinu-sino ang mga ito.
Lumilitaw ngayon na nagpatuloy ang ‘dokleng’ na pananaw ni Duterte sa korapsyon dahil kitang-kitang ayaw niyang gumawa ng mapagpasyang aksyon laban sa talamak na korapsyon sa DOH.
Malinaw na namimili si Duterte sa pagtanggal sa mga opisyal ng kanyang administrasyon na nadidikit ang mga pangalan sa katiwalian at korapsyon.
Kaya inaasahang ipagtatanggol din niya si Agriculture Secretary William Dar tungkol sa iskandalo sa P271.66 milyong presyo ng pataba.
Iimbestigahan ng dalawang kapulungan ng Kongreso ang reklamo ng mga magsasaka mula sa Gitnang Luzon hinggil sa P1.8 bilyong halaga ng 1,811,090 bags ng patabang urea.
Ayon sa mga magsasaka, dahil P1.8 bilyon ang presyo ng mga pataba, naging isang libo tuloy ang presyo ng patabang pumasa sa subastang inilunsad ng Department of Agriculture (DA).
Nang bumili sa merkado ang ilang pinuno ng mga magsasaka ay P800 lamang ang halaga ng isang sako ng patabang urea.
Kahit anong gawin nila ay wala raw silang nakitang isang libo ang presyo ng nasabing pataba.
Nang kuwentahin ng mga lider-magsasaka, P271.66 milyon ang sumobrang presyo sa mahigit 1.8 milyong sako ng patabang nanalo sa pasubasta ng DA.
Tulad ng overpriced na presyo ng PPE, ang labis-labis na presyo ng pataba ay naganap din sa panahong napakalaki ng suliranin ng pamahalaan sa epekto ng COVID-19 sa ekonomiya ng bansa, sa badyet ng pamahalaan at sa trabaho ng mga manggagawa.
Kapag nanatili sa DA si Dar, hindi kalabisang sabihing hindi naghahangad ng tunay na pagbabago si Duterte sa pamahalaan hanggang matapos ang kanyang termino sa 2022.
At ang masama ay kung ipagtatanggol pa ni Duterte si Dar tulad nang ginawa niya kay Duque.
Kawawa ang mga health workers, ngunit balewala kay Duterte na malayang kumikilos at nagpapayaman nang husto ang mga korap sa DOH.
Hindi na nakabawi at gumanda ang buhay ng mga magsasaka mula Hunyo 2016, tapos bihirang-bihira na batikusin at magalit si Duterte sa mga taong gumagawa ng korapsyon gamit ang pangalan, interes at kapakanan ng mga magsasaka.
Sana, hindi ‘bata’ ni Gloria Macapagal – Arroyo si Dar o hindi kaibigan ni Duterte ang kapatid ni Dar para matanggal ito sa DA.
