SENIOR CITIZENS’ BENEFITS ‘DI MAAANTALA — MALACAÑANG

TINIYAK ng Malacañang sa mga senior citizen na hindi maaantala ang pagpapalabas ng kanilang mga government benefits.

Sinabi ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro na ipinag-utos ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang agarang pagresolba sa mga reklamong may kaugnayan sa P10,000 cash gift sa ilalim ng Expanded Centenarian Act (ECA).

Ayon kay Castro, nakarating na sa Pangulo ang mga reklamong inihain sa Anti-Red Tape Authority (ARTA), kung saan inatasan niya ang mga kinauukulang ahensya na tugunan ang usapin.

“Ito po ay nakarating sa Pangulo at kailangan po talaga maibigay kung ano ang benepisyo na dapat ibigay sa ating mga elderlies, lalung-lalo na iyong mga senior citizens dahil iyan naman po ay talagang kailangang maipaabot sa kanila nang mas mabilis at sa mabilis na pamamaraan,” ani Castro.

Nauna rito, nagsampa ng reklamo nitong Lunes, Agosto 24, sa ARTA ang ilang senior citizen sa Quezon City laban sa National Commission of Senior Citizens (NCSC) dahil sa umano’y pagkaantala sa P10,000 cash gift na dapat nilang matanggap pagsapit sa edad na 80, 85, 90 at 95.

Sa mga reklamong inihain sa ARTA, nagpahayag ng matinding pag-aalala ang walong senior citizen mula sa Barangay Marilag dahil sa matagal na pagkaantala.

Sinabi nilang ayaw nilang maranasan ang sinapit ng ilan nilang kaibigan na namatay nang hindi natatanggap ang kanilang cash gift.

Ang mga nagreklamo, na nasa edad 80 hanggang 85, ay nagpahayag din ng pangamba sa tagal ng paghihintay para sa benepisyong ipinagkakaloob sa kanila sa ilalim ng batas.

Nagpahayag din ng pagkabahala ang Marilag Senior Citizens Association (MSCA), na kumakatawan sa mahigit 1,000 senior citizen, sa umano’y mabagal at hindi maayos na pagpapatupad ng ECA.

Ayon kay MSCA president at veteran journalist Ben Rosario, maaaring masira ng patuloy na pagkaantala ang layunin ng batas na parangalan ang mga nakatatandang Pilipino at mabigyan sila ng makabuluhang tulong mula sa gobyerno sa mahahalagang yugto ng kanilang buhay.

(CHRISTIAN DALE)

56

Related posts

Leave a Comment