NANINDIGAN si Senador Panfilo “Ping” Lacson na hindi paglabag sa sub judice rule ang paggamit niya ng salitang “stupid” sa kanyang pagtatanong sa testigong si Lemuel Ortonio, assistant chief of staff ng Office of the Vice President (OVP).
Ayon kay Lacson, sumang-ayon si Senate Impeachment Court Presiding Officer Chiz Escudero na hindi mali o offensive ang paggamit niya ng naturang salita dahil hindi tao ang tinukoy niya kundi ang mga dokumentong isinumite ng OVP bilang katwiran sa paggamit ng mahigit P500 milyon na confidential funds.
Sa kanyang pagtatanong, pinagkumpara ni Lacson ang Physical and Financial Plans (PFPs) na isinumite ng OVP noong 2022 at 2023 at napansin niyang halos magkakapareho ang mga ito o tila “copy paste” dahil wala umanong malaking pagbabago.
Dahil dito, inilarawan ni Lacson ang mga dokumento bilang “stupid” at insulto sa common sense.
Sa sub judice rule na inilabas ni Escudero, sinabi na maaaring maharap sa ethics complaint ang sinumang senator-judge na lalabag dito.
Pinaiiwas din ang mga senator-judge sa unparliamentary remarks, personal attacks, improper motives at paggamit ng mga salitang hindi naaayon sa dignidad ng impeachment trial.
Samantala, hinikayat ni Escudero ang defense team na paalalahanan si Vice President Sara Duterte na saklaw din siya ng pinakahuling ruling ng impeachment court hinggil sa mahigpit na pagsunod sa sub judice rule.
Ito ay kasunod ng pahayag ni Duterte tungkol sa mga name-calling o bansag na ibinato sa kanya ng prosecution team habang nagpapatuloy ang impeachment trial.
Ipinaalala ni Escudero sa defense team na dapat ipaalam kay Duterte ang ruling ng impeachment court, partikular ang mahigpit na pagsunod sa Rule 18 ng Senate Impeachment Court.
Ipinagbabawal sa naturang rule ang pagtalakay sa merito ng impeachment case sa mga interview o post sa social media.
Iginiit ni Escudero na maaaring maparusahan ang respondent dahil saklaw din siya ng naturang ruling.
Maglalabas naman ang Senate Impeachment Court ng mga karagdagang guidelines hinggil sa pagpapatupad ng sub judice rule.
(DANG SAMSON-GARCIA)
59 