NAGBALIK na sa pagtatrabaho si Natalie Hart. Matatandaang pansamantalang iniwan ng sexy actress ang show business nang magkaroon ng asawa at anak. Ngayon ay bida si Natalie sa digital film na ‘Barbara Reimagined’ na mapapanood sa iWant. “Bumalik ako kasi kailangan kong tapusin ‘tong pelikulang ‘to. Kasi napirmahan ko ‘tong kontrata dito. Tapos kailangan nila i-reshoot ang ilang eksena. Tapos meron rin akong pelikulang gagawin sa Viva, so kailangan talaga. I mean I really want to work talaga kasi para sa akin,” paglalahad ni Natalie.
Sa Egypt na nakabase ang aktres kasama ang asawa at anak at umuwi lamang sa Pilipinas upang gumawa ng mga proyekto. Aminado si Natalie na talagang hinahanap-hanap niya ang pag-arte sa harap ng kamera noong mga panahong hindi aktibo sa trabaho. “I feel like noong nawala ako ng isang taon, parang it was the longest time of my life, parang ‘yung oras ang tagal-tagal,” pagtatapat niya.
Kahit na-miss ang showbiz ay na-e-enjoy naman daw ni Natalie ang pagiging isang ina sa ngayon. “Na-enjoy ko ang pagiging nanay. I mean, hindi naman mawawala ‘yun hanggang ngayon, nanay pa rin ako. Pero ‘yung time na dumating ang anak ko, sobrang stressful. Hindi madali maging nanay, breastfeeding ako and napakahirap noon para sa akin. And tumigil lang ako noong seven months na ang baby ko. Kasi feeling ko tama na ‘yon. In-enjoy ko naman pero iba ‘yung fulfillment na may ginagawa ka in your career. Iba ‘yung may career ka, para sa akin, hindi lang ‘yung okay ang pamilya mo, gusto ko fulfilled din ako sa ginagawa ko,” paliwanag ng aktres. -Reports from JCC-
132