NAGPAHAYAG ng pagsuporta sa Masungi Georeserve ang Hollywood actor at bantog na environmental advocate na si Leonardo DiCaprio, at sinabing dapat protektahan at alagaan ang georeserve.
Sa Instagram, sinabi ni DiCaprio na ang Masungi Georeserve ay nasa panganib at nahaharap sa banta mula sa mining at logging.
Nanawagan ang bantog na celebrity kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na makialam na sa pagprotekta sa Masungi, na umano’y maaaring pasukin ng mga property developer dahil sa nakaambang pagpapawalang-bisa sa kontrata nito sa Department of Environment and Natural Resources (DENR).
Ikinabahala ni House Deputy Minority Leader at ACT Teachers Party-list Rep. France Castro ang plano ng DENR na kanselahin ang memorandum of agreement (MOA) na nagbibigay proteksyon sa Masungi Georeserve.
Ayon kay ACT Teachers Party-list Rep. France Castro, ang plano ng DENR na kanselahin ang kasunduan sa proteksyon ng Masungi Georeserve ay banta sa ekosistema.
Babala ni Castro, ang pagkansela ng DENR sa MOA nito sa Masungi Georeserve Foundation ay maaaring magbukas sa mapaminsalang pagnenegosyo sa lugar.
Noong 2017, pumasok ang Masungi Georeserve Foundation Inc. (MGFI) sa MOA.
Gayunman, giit ng kasalukuyang liderato ng DENR na kailangang umiral ang batas sa Masungi. Aniya, ang MOA ay labag sa konstitusyon, at ang erya na okupado ng MGFI ay pag-aari ng Filipino people at ang operasyon ng resort venues na may bayad ay hindi pagsunod sa batas ng bansa.
Ang Masungi Georeserve ay gubat na malapit sa Masungi Rock Formation, na matatagpuan sa mga bayan ng Tanay at Baras sa Rizal. Kilala ito sa pagkakaroon ng preserved limestones na pinaniniwalaang nabuo noong Paleocene epoch, 60 million taon na ang nakalipas. Aabot din sa 40,000 indigenous trees at endemic species ang nabubuhay rito.
Ang 270 ektarya para sa BuCor at ang 30 ektarya para sa DENR ay dating nasa pangalan ng national government, ngunit nang lagdaan ng noo’y pangulo na si Gloria Arroyo ang Proclamation No. 1158 noong 2006, ibinigay sa BuCor at sa DENR ang karapatan sa lupa.
Kaya may rason ang BuCor sa plano nitong magtayo ng bagong headquarters, residential area para sa staff, at agro-production area sa loob ng Lot 10 na ipinagkaloob dito.
Ngayon, kailangan pa bang bumoses ang sikat na aktor at marami pang manawagan para kumilos at magdesisyon si Pangulong Marcos Jr. para protektahan ang Masungi Geopark restoration Project mula sa kanselasyon ng DENR?
Mahalaga ang Masungi sa ekosistema at proteksyon ito laban sa mapanganib na mga pagbaha sa mga lugar tulad ng NCR.
Sana bigyan ng mabigat na timbang ng pamahalaan ang konserbasyon kaysa paboran ang mga mapanirang negosyo.
