DPA ni BERNARD TAGUINOD
PAGKAKATAON na sana ng Liberal Party (LP) na makabalik sa kapangyarihan dahil ang daming sablay sa Marcos administration pero hindi nila sinasamantala dahil ang hina ng kanilang partido.
Gusto ko talagang isipin na tsamba lang ‘yung pagkakaupo nila noong 2010 at sympathy vote ang nagluklok kay dating Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino III dahil namatay ang kanyang inang si dating Pangulong Corazon Aquino na nanguna sa pagpapatalsik sa diktador na si Ferdinand Marcos Sr.
Noong 2022 election, nawasak ang LP dahil walang nagbigayan kina Sens. Mar Roxas at Grace Poe na kapwa malapit kay PNoy, kaya naluklok si Rodrigo Duterte bilang pangulo ng bansa pero kung nagkaisa lang sila, hindi nanalo si Digong.
Kaalyado nila ang Bise Presidente ni Digong na si Leni Robredo pero ang lamya nila sa pagsagot sa bawat isyung ibinabato sa Duterte administration. Wala silang maayos na counter-measures kung baga kaya nilalamon sila nang buong-buo.
Kulang-kulang din sila sa propaganda kaya hindi na ako nagtaka nang matalo sila noong 2022 presidential election dahil naiiwanan sila ng kalaban ng tatlong hakbang dahil wala silang ginawang aksyon sa mga ikinakalat ng mga marites na kinakausap na raw ng kalaban ang Smartmatic.
Tahimik din ang LP nang tuluyang mabunyag ang dayaan noong 2022 election dahil kung may nagsalita sa isyung ito ay hindi sila kundi si dating Department of Information and Communication Technology (DICT) Secretary Eliseo Rio Jr.
Napahiya rin ang LP sa senatorial derby dahil isa lang ang naipanalo nila, si Sen. Risa Hontiveros. Ibig sabihin ang hihina ng kanilang inilargang kandidato at hindi na-convert sa boto ang mga dumadalo sa kanilang mga rally noong 2022 presidential election.
Naghahanda uli ang LP para sa midterm election pero hanggang ngayon ay ayaw pa nilang pangalanan ang anim hanggang 8 kandidato na kanilang ilalarga, samantalang may mukha at pangalan na ang mga kandidato ng kalaban. Malamang kasama riyan sina Bam Aquino at Chel Diokno pero may tulog sila dahil wala silang appeal sa masa, boring at walang katapang-tapang magsalita.
Si Bam Aquino na nakatikim na ng talo noong 2019 sa kanyang reelection bid, ay gusto kong paniwalaan na totoo ang satsat noong 2013 election na ipinakiusap lang ito ni PNoy sa kanyang mga kaalyado para suportahan hanggang sa ibaba kaya nanalo.
Si Atty. Chel Diokno, walang dating ang kanyang mga payong legal sa social media at mabo-boring ka sa panonood sa kanya kaya hindi siya tumatatak sa isip ng mga botante lalo na sa baba.
Hindi na rin susubok ulit sa national election si VP Leni dahil mas gusto nitong tumakbo bilang mayor ng Naga City kaya mas lalong walang pag-asang makakuha ng mas maraming upuan ang LP sa Senado.
Matagal na ang mga ito sa mundo ng pulitika at malamang alam na alam na nila kung paano pasisikatin ang kanilang mga kandidato pero para silang bagito kaya huwag na tayong magtaka kung hindi makababalik sa Malacañang ang LP dahil hindi sila liberal mag-isip.
