SINO ANG KUKUHA SA ANAK!

NOONG 2004 presidential campaign, inabutan kami ng Semana Santa sa Cebu City kaya hindi na kami umuwi ng Manila dahil pagkatapos ng Semana Santa ay mayroon agad schedule na campaign rally sa Bohol kaya tumira na lamang kami ng ilang araw sa isang maliit na hotel.

Habang nagmumuni-muni, binasa ko ang isang lumang english religious magazine. Nagpe-fade na sa kalumaan hanggang sa mabasa ko ang kuwento na may pamagat na “Get My Son, Get My Son”.

Isinalin ko ito sa Tagalog at lumabas na rin ito dati sa isa sa aking panulat pero dahil makabuluhan ang kuwento ay muli ko itong ibabahagi sa inyo sa Saksi Ngayon, ngayong Semana Santa.

Hindi ko matandaan ang pangalan ng Magazine at hindi ko rin ­maalala ang pangalan ng orihinal na sumulat nito subalit nais ko silang pasalamatan dahil sa kuwentong ito at alam kong matutuwa sila na iba­bahagi ko ang kanilang obra sa ating wika.

ETO ANG KUWENTO:
ANG ANAK, ANG ANAK! SINO ANG KUKUHA SA ANAK

Mayroong mayamang mag-ama ang mahilig mangolekta ng obra maestra ng mga kilalang pintor sa buong mundo. Nakahiligan na nila ito at lahat na yata ng obra ng mga pintor sa apat na sulok ng mundo, mula kay Picasso at Raphael ay mayroon silang koleksyon.

Masaya sila sa kanilang ginagawa at laging magkatabing minamasdan ang mga obra ng mga kilalang pintor sa mundo tuwing sila na lamang ang nasa loob ng kanilang magarang bahay.

Nang sumiklab ang giyera sa Vietnam, ipinadala ng kanyang bansa ang anak ng matanda sa giyera. Napatay ang bata at namatay sa pagsisilbi­ sa kanyang bayan nang iligtas niya sa tiyak na kamatayan ang kanyang mga kasamahang sundalo.

Hindi alam ng matanda kung papaano tanggapin ang nangyari sa kaisa-isa niyang anak kaya ganun na lamang ang pagdadalamhati nito sa nag-iisang supling.

Makaraan ang isang buwan, may kumatok sa pintuan ng matanda habang patuloy pa rin ito sa kanyang pagdadalamhati. Ang bisita ay may bitbit na regalo.

“Sir, hindi niyo ako kilala, ako ang sundalong iniligtas ng inyong anak subalit naging dahilan naman ng kanyang kamatayan. Marami siyang iniligtas na buhay noong araw na iyon, buhat-buhat niya ako noon patungo sa ligtas na lugar nang tamaan ng bala ang kanyang puso na ikinamatay niya noon din,” ang pagpapakilala ng sundalo sa matanda.

Lagi niya kayong ikinukuwento sa akin. Lalo na ang pagkahilig niyo sa obra maestra ng mga kilalang pintor, patuloy nito sabay abot sa kanyang dala-dalang regalo sa matanda.

“Alam kong hindi ito sapat para pagbayaran ang buhay ng anak niyo sa pagliligtas sa akin, hindi ako magaling na pintor pero alam kong magugustuhan niyo ito,” patuloy ng sundalo.

Nang buksan ng matanda ang regalo, lumigid ang luha sa kanyang mata dahil iginuhit ng sundalo sa canvas ang kanyang anak. Kuhang-kuha ng sundalo, bagama’t hindi magaling magpinta, ang personalidad ng kanyang kaisa-isang anak.

Tuluyang nalaglag ang masaganang luha sa mata ng matanda habang pinagmamasdan ang larawan ng kanyang anak na ipininta ng bisitang sundalo.

Pinasalamatan nito ang bisitang sundalo at tinanong kung magkano ang kanyang ibabayad sa larawan ng kanyang anak na iginuhit nito.

“Hindi po, sir, Hinding-hindi ko mababayaran ang ginawa ng inyong anak sa akin. Regalo ko po sa inyo ‘yan,” pahayag ng bisitang sundalo sa matanda na nagdadalamhati pa rin.

Isinabit ng matanda sa harapan ng kanyang mga koleksyon ang larawan ng kanyang anak. Ipinapakita niya muna ito sa mga bisita bago ipakita ang kanyang mga tunay na koleksyon.

Makaraan ang ilang buwan, namatay ang matanda kaya nagkaroon ng malaking auction sa kanyang mga koleksyon. Maraming maiimpluwensyang tao sa lipunan at mahilig ding mangolekta ng paintings ang dumayo sa ipinatawag na auction upang bilhin ang mga koleksyon ng matanda.

Sa harapan, nakasabit ang larawan ng anak ng matanda na siyang ipinagbibili ng tumayong auctioneer sa bahay ng matanda at sinabing “Umpisahan natin ang bidding sa larawan ng anak ng matanda. Sino ang bibili sa larawang ito?”

Walang nagkagusto sa larawan kaya tahimik ang paligid. (MAY KARUGTONG)

135

Related posts

Leave a Comment