Smash Pilipinas babawi vs Indonesia  

TATANGKAIN ng Smash Pilipinas na makabawi ngayong umaga kontra Indonesia mula sa kanilang masaklap na pagkatalo sa world rank Thailand kahapon sa 2020 Badminton Asia Manila Team Championships sa Rizal Memorial Coliseum.

Sunod-sunod na natalo sa tatlong individual match up sina Airah Mae Nicole Albo, Maria Bianca Ysabel Carlos at Sarah Joy Barredo laban sa Thais kaya’t kailangan nilang manalo ngayong alas-10 ng umaga upang makaiwas na mabokya sa torneo.

“Masaya naman kami sa coaching staff sa resulta ng mga player natin,” sabi ni Philippine Badminton Association (PBA) women’s head coach Ian Mendez. “Nakikita natin ang potensiyal ng mga player natin kaya lang talagang world class na at nasa Top 50 sa buong mundo ang mga Thai.”

Nabigo ang nasa 319th puwesto na si Albo laban kay world ranked #17 Busanan Ongbamrungphan, 8-21, 10-21, habang nagpakita ng magandang unang set si Carlos bago tuluyang tumiklop kay world ranked #23 Pompawee Chochuwong, 15-21, 12-21.

Nagpamalas din ng mahusay na laro si Barredo sa ikatlong laro nang ilang beses dinikitan ang 19-anyos ngunit nasa ranked #219 sa buong mundo na si Chasinee Korepap, bago sumuko sa huling mga yugto, 14-21, 15-21. (Ann Encarnacion)

192

Related posts

Leave a Comment