NILINIS ng Philippine National Police ang pangalan ng anak ng negosyanteng si Anson Tan o Anson Que sa pagkakadawit nito sa pagdukot at pagpatay sa kanyang ama na unang ibinase sa salaysay ng isa pang Chinese national na unang nadakip ng mga awtoridad.
Kahapon, inihayag ng PNP na walang direktang ebidensya na nag-uugnay kay Ronxian Gou o Alvin Que, 42-anyos, sa pagdukot at pagpatay sa kanyang amang si Anson Que.
Ayon kay PNP spokesperson, B/Gen. Jean Fajardo, nakatakdang magsumite ngayong Biyernes ng mosyon sa Department of Justice ang PNP Anti-Kidnapping Group para amyendahan ang reklamo laban sa mga suspek sa Anson Tan/Que kidnap-slay case at alisin ang pangalan ni Alvin Que sa talaan ng respondents.
Magugunitang lumutang ang pangalan ng batang Que nang idawit ito ng suspek na si David Tan Liao at sabihing si Alvin Que ang nag-utos na dukutin at patayin ang kanyang ama.
“We have to make it clear, hindi natin pinaniniwalaan lahat ng statements ni David Tan Liao,” paglilinaw ni BGen. Fajardo, kasunod ng paglilinaw na kailangan ng back-up na matibay na katibayan ang nakakalap na mga pahayag.
Sa pagkakadawit sa anak ng kidnap victim, tinuligsa ng anti-crime watchdog Movement for Restoration of Peace and Order ang PNP at ilang media outfits sa paglalantad sa statement ni Liao nang walang validation at pag-uulat nito ng media.
“Why is the word of a notorious criminal the sole source of your evidence?” tanong ng MRPO.
“We expect better from veteran journalists than to be the mouthpiece of law enforcers who failed and continue to fail to do their work. Does the media no longer have journalistic rules to confirm veracity and accuracy?” dagdag pa ng anti-crime group.
Nabatid na may dalawa pang Chinese national na itinuturing na prime suspects na kinilalang sina Gong Wenli alyas “Kelly Tan Lim” at Jonin Lin.
Nakilala umano sila base sa closed-circuit television footage, na nakita ng mga imbestigador sa isang bahay sa Meycauayan, Bulacan kung saan dinala at pinatay si Que at ang driver nito.
(JESSE KABEL RUIZ)
