(NI ABBY MENDOZA)
PINABULAANAN ni Apec Partylist Rep. Sergio Dagooc na nag-bomb joke siya dahilan para pigilan ito sa Ninoy Aquino International Airport Terminal 2 noong Huwebes ng gabi.
Si Dagooc ay pinakawalan din makalipas na dumating ang kanyang abogado na nagsabing may immunity ang mambabatas.
Paliwanag ni Dagooc, umabot sa 11kg ang kanyang handcarry baggage, lampas sa 7kg limit kaya pinakiusapan nya ang check in counter na payagan ang kanyang excess baggage dahil may laman itong ‘bands’ ng pera.
Maaari na ang pagkakarinig sa kanya ng counter ay bomba at hindi “bands” kaya bigla itong pinigil sa airport.
“Hindi po totoo na nag-bomb joke ako. Baka hindi kami nagkaintindihan ng babae sa counter kasi magkaiba ang tunog ng Visaya at Tagalog,” pahayag ni Dagooc.
Hindi naman sinabi ni Dagooc kung magkano ang dala nyang pera dahilan para bumigat ang kanyang check-in baggage.
Itinaggi din nito na ginamit nya ang posisyon bilang congressman.
“Wala silang alam na House member ako dahil hindi naman ako nagpakilala,” giit nito.
Sa ilalim ng Presidential Decree No. 1727 o ang anti-bomb joke law, nakasaad na 5 taong pagkakakulong at multa na P40,000 ang maipapataw sa sinumang mag-bomb joke sa airport.
Dahil isang mambabatas, hindi naman maaaring makasuhan o maaresto si Dagooc habang naka-sesyon at ang parusang ipapataw sa kaso ay hindi lalagpas ng 6 na taon.
Wala namang balak ang kongresista na magsampa ng moral damages case sa kanyang inabot sa airport habang wala pang sagot ang pamunuan ng Phil Airlines sa insidente.
DAGOOC RESIGN NA– ABANTE
Hinamon naman ni House Minority Leader Benny Abante si Dagooc na magresign na hindi kung hindi kaya ni Dagooc na umakto ng tama bilang isang mambabatas.
Dapat isipin umano ng mga kongresista na nakatingin sa kanila ang sambayanan kaya huwag mismong mga mambabatas ang humila pababa sa institusyon.
Sinabi ni Abante na malaki ang epekto ng inasal ng mambabatas sa institusyon dahil ikalawa na itong insidente na kinasangkutan ng mga neophyte partylist solon.
Matatandaan na nasangkot din si Ang Probinsyano Rep. Alfred Delos Santos sa pananapak nang biglang suntukin ang waiter na si Christian Kent Alejo habang nasaBiggs Diner sa Old Albay District, Legazpi City.
Si Santos ay humingi na ng sorry sa biktima subalit sinabi ni Ang Probinsyano Party-list spokesperson Atty. Joco Sabio na patuloy pa rin ang kanilang ginagawang imbestigasyon sa insidente at hindi nila kinukunsinti ang maling inaasal ng kanilang mga miyembro.
