NORTH COTABATO – Itinanggi ng Armed Forces na mula sa airstrike ng militar ang bombang sumabog sa isang tahanan na ikinasawi ng isang matanda at ikinasugat ng mister at apo nito, sa Sitio Butilen, Barangay Kabasalan, Pikit, North Cotabato, Miyerkoles ng madaling araw.
Kinilala ang nasawi na si Misbah Masla, isang senior citizen habang sugatan naman ang mister nito na si Alimuden at ang 10-anyos na apo na lahat ay residente ng nasabing lugar.
Sinabi ni AFP Western Mindanao Command spokesperson Major Arvin Encinas na sa loob ng bahay ng mga Misba umano mismo nanggaling ang bombang sumabog.
Ayon pa kay Encinas, pagawaan ng Improvised Explosive Devices (IED) ang naturang bahay na nasa Sitio Butilen, Barangay Kabasalan.
Aniya, ang sumabog na bomba ay gawa umano mismo ni Alimuden na miyembro ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF).
Gayunman, todo-tanggi si Alimuden na kasapi siya ng BIFF at iginiit na isa lamang siyang ordinaryong magsasaka.
Sa ngayon ay bantay-sarado ng mga sundalo at pulis si Alimuden sa pagamutan na hinihinalang bomb expert ng BIFF.
Ayon kay Army Major Homer Estolas, ang tagapagsalita ng 6th Infantry Division na ang operasyon ng militar laban sa BIFF ay isinagawa sa pagitan ng hangganan ng Maguindanao at lalawigan ng North Cotabato.
Naglunsad ng airstrike ang Philippine Airforce alas-3:30 ng madaling araw laban sa mga armadong grupo na pinangungunahan ni Abu Toraife, ang leader ng isa pang faction ng BIFF, na tumalima sa Islamic State, sa nasabing barangay.
168