KINUMPIRMA ni Senate President Vicente “Tito” Sotto III na sa Batasan Pambansa sa Quezon City magde-deliver ng kanyang ika-limang State of the Nation Address (SONA) si Pangulong Rodrigo Duterte sa July 27.
Gayunman, sinabi ni Sotto na limitado lamang sa 50 katao ang papayagang pumasok sa session hall ng Batasan Pambansa para saksihan ang SONA ng Pangulo.
Sa naturang bilang, 25 ang magmumula sa Executive Department at ang 25 ay mula sa Legislative Department kung saan nasa 13 ay mula sa Kamara at 12 sa Senado.
Sa 12 bilang na nakalaan para sa Senado, walong senador ang dadalo kasama ang apat na secretariat ng Mataas na Kapulungan.
Bukod kay Sotto, dadalo sa SONA sina Senate Majority Leader Migz Zubiri, Senador Panfilo Lacson, Senador Win Gatchalian, Senador Bong Go, Senador Bato dela Rosa, Senador Pia Cayetano at Senador Francis Tolentino.
Tulad naman anya ng health protocols na ipinatutupad sa Malakanyang, inaasahan din ang mas istriktong protocols sa mga papasok sa Batasan tulad ng pagsailalim sa rapid test bago payagang pumasok sa session hall.
Samantala, sa pagbubukas ng sesyon sa umaga ng July 27, inaasahan ni Sotto na mahigit sa 12 senador ang magiging physically present sa gusali ng Senado habang ang iba ay dadalo sa
pamamagitan ng online platform. (DANG SAMSON-GARCIA)
184 