MATAGAL nang naitatag ang “party-list system” sa Pilipinas.Ngunit may ilan pa raw na hindi nauunawaan ang tungkol dito.
Isa itong sistema ng pagboto kung saan nakabatay ang bilang ng upuan na makukuha ng isang partido sa dami ng mga bumoto sa partido.
Tinatayang 20 porsiyento ng mga upuan sa lower house ang nakalaan para sa party-list system sa ating bansa.
Kung titingnang maigi, ang mga ‘party’ o partidong inihahalal ng sistemang ito ay iba kumpara sa mga malalaking partido na kinabibilangan ng iba pang mambabatas sa Kamara.
Batay kasi sa Konstitusyon, sa halip na mga distrito, ang mga partidong ito ay kumakatawan sa mga sektor ng mga manggagawa, magsasaka, mahirap na tagalungsod, at mga katutubong pamayanang pangkalinangan.
Nakahanay rin dito ang sektor ng mga kababaihan, kabataan at sa iba pa na maaaring itadhana ng batas, maliban lamang sa religious sector.
Maganda ang layunin ng party-list system.
Gayunman, mabibilang lamang sa mga daliri sa kamay ang mga party-list na hinahangaan ko at ito’y kinabibilangan ng Buklod Filipino Party-list.
Ang misyon ng Buklod ay “manguna sa pagsulong ng karagdagang oportunidad sa kabuhayan, mataas na kalidad ng edukasyon, maayos na pabahay, at abot-kayang serbisyong medikal para sa kapakanan ng nagkakaisang pamilyang Pilipino.”
Nais din nitong pagbuklurin ang pamilyang Pilipino tungo sa maunlad, maayos, at mataas na antas ng pamumuhay.
Isinusulong ng Buklod Filipino Party-list ang “Community Mortgage Program” na layong tulungan ang mga asosasyon na bumili ng lupa.
Sa ganitong paraan daw ay matutulungan ang mga mahihirap at walang sariling bahay na ma-relocate at magkaroon ng sariling lupa sa presyong kaya ng kanilang bulsa.
Ayon sa Buklod, sa pagpapalawig nito ay maraming mabibigyan ng oportunidad na magkaroon ng sariling lote at bahay sa abot ng kanilang kakayahang pinansyal tungo sa mas ligtas na kabahayan ng ating mga kababayan.
Kasama sa mga kinatawan ng Buklod Filipino Party-list sina Imus City Mayor Emmanuel Maliksi (1st nominee) at Batangas City Vice Mayor Doc Jun Berberabe (2nd nominee).
Kapwa mahuhusay sa serbisyo publiko sina Maliksi at Berberabe.
Ang dalawa ay suportado ng negosyanteng si Charlie “Atong” Ang, chairman ng Pitmaster Foundation.
Siyempre, dahil inendorso ni Ang ang Buklod Filipino Party-list ay nakuha na rin ng grupo ang suporta ng mga talpakeros at sabungeros.
Mismong si Ang kasi ang nanawagan sa mga ka-Sabong natin na huwag kalimutan sa eleksyon ang Buklod.
Para kay Ang, ang Buklod Filipino Party-list ang magbubuklod sa lahat tungo sa de-kalibreng edukasyon, pantay na karapatan, serbisyong pangkalusugan, tulong pangkabuhayan at abot-kayang pabahay para sa lahat.
Sabi nga, sa simpleng pakikibuklod sa pamamagitan ng pakikilahok sa mga gawain ng ating pamilya, tiyak daw na mas marami pa tayong kababayang mahihikayat upang tayong lahat ay umangat.
“Makakaasa po tayong mas pag-iigihan pa natin ang ating mga layunin… Mas tibayan natin ang pagsama upang mas maging posible ang hangarin nating magandang buhay para sa lahat,” ayon sa statement ng Buklod.
Para naman maging opisyal na kasapi ng kanilang samahan, bisitahin lamang ang official Facebook page ng Buklod Filipino Partylist.
Maraming salamat po at God bless!
130