RAPIDO NI TULFO
MAAARING makasuhan ng civil, administrative at criminal cases ang mga tauhan ni Sen. Jinggoy Estrada dahil sa ginawa ng mga itong pagbabaklas ng lahat ng mga gamit sa opisina nito sa ikaanim na palapag ng Senado.
Ayon sa report na inilabas ng Senate media, ultimo tiles, mga dingding, lababo at toilet bowl ay binaklas upang hindi magamit ng papalit na senador na nasa nasabing opisina, na si Sen. Tito Sotto III.
Kung ako kay Sen. Sotto ay kakasuhan ko ang mga staff ni Sen. Jinggoy na nag-utos na sirain ang opisina.
Una, hindi pondo ng senador ang ginamit upang ayusin ang nasabing opisina. Pondo ng taumbayan ang ginamit para mapaayos ang bawat opisina sa Senado, maliban na lang sa mga appliances na sila mismo ang bumili at nagdala sa kanilang opisina.
Ayon sa nakagawian sa Senado, maaari lamang kunin ng paalis na senador ang anomang appliances na kanilang ginamit o anomang gamit na personal nilang dinala sa opisina. Pero ang bakbakin ang buong opisina upang walang magamit ang susunod na senador ay malinaw na pambabastos sa Senado.
Maaaring may matinding personal na galit ang mga tauhan ni Sen. Jinggoy kay Sen. Sotto pero huwag nilang kalimutan na ang pagkakakulong sa kanilang amo ay dahil sa mga akusasyon na siya ay nagnakaw sa kaban ng bayan. Mapaiisip ka tuloy na “Kung ano ang puno ay siya rin ang bunga” dahil sa ginawang pagwasak sa opisina, na hindi naman sila ang gumastos, ay para na rin nilang ninakawan ang taumbayan dahil kailangan na namang ipaayos ang mga ito gamit ang pondo ng bayan.
Kumbaga sa isang pribadong kumpanya, sinira ng empleyado mo ang kanyang opisina dahil siya ay natanggal sa trabaho, tama lang ba na sirain niya ang opisina dahil paalis na siya kahit wala siyang ginastos sa opisinang iyon?
Nakalilimot yata ang ilang tauhan ng Senado na sila ay pasuweldo lamang ng taumbayan, walang silang karapatang manira o magtanggal ng hindi naman sa kanila.
Dapat ay makasuhan ang dapat makasuhan upang ‘di na pamarisan ng iba. Hindi pwedeng dahil galit sila ay bababuyin na nila ang isang tanggapan na hindi naman sa kanila. Hindi maaaring walang managot sa pangyayaring ito.
103 