SURVEY NG KAPULISAN KINONDENA NG LOCAL OFFICIALS NG MABINI, BATANGAS

KINONDENA ng mga lokal na opisyal ang isinasagawa umanong “survey” ng pulisya sa bayan ng Mabini, Batangas kung saan tinatanong ang mga elected local barangay official kung kanino sila kumakampi sa kasalukuyang pulitika ng bayan.

Nagdulot ang nasabing survey ng kontrobersya at agam-agam sa mga opisyal at mamamayan ng Mabini.

Hayag na magkalaban sa pulitika sa nasabing bayan ang pamilya ng nakaupong si Mayor Nilo Villanueva at ang kontra partido nilang si dating Mayor Noel Luistro. Nagdudulot ng pangamba ang nasabing survey dahil tila pamumulitika ito ng kapulisan sa ilalim ng pagpapanggap na isang survey.

Ayon sa mga lokal na opisyal, hindi katanggap-tanggap ang ganitong klase ng pamumulitika ng kapulisan dahil malinaw na naglalayon ito na impluwensyahan ang opinyon at pagkakaisa ng barangay officials.

Nagpahayag ng kanilang pagkadismaya ang mga opisyal at sinabing nagpapakita ito ng kawalang respeto sa kanilang mga posisyon at sa proseso ng demokrasya.

Nanawagan sila sa pamunuan ng Philippine National Police (PNP), partikular kay PNP Chief Rommel Francisco Marbil, na agarang imbestigahan ang insidenteng ito.

Isa umano sa mga nagsasagawa ng survey ang pulis na tinukoy lang sa pangalang Salavaria.

Hinihiling ng mga local official na matigil ang ganitong gawain at masigurong mananatiling neutral ang kapulisan sa mga usaping pulitikal upang mapanatili ang tiwala ng mamamayan.

300

Related posts

Leave a Comment