LAGUNA – Patay ang isang lalaki makaraang pagbabarilin habang nakikipag-inuman sa mga kaibigan sa Cabuyao City, sa lalawigang ito, noong Huwebes ng gabi.
Hindi umabot nang buhay sa ospital ang biktimang si Jeffrey Catalan.
Batay sa report ng Cabuyao City Police, bago sumapit ng alas-12:00 ng madaling araw nang mangyari ang insidente sa Southville 1, Barangay Marinig habang nagkakasayahan ang biktima at mga kainuman nito.
Bigla na lamang umanong dumating ang hindi kilalang suspek na armado ng maiksing baril at pinagbabaril ang biktima.
Nagpulasan naman ng takbo ang nahintakutang mga kainuman nito.
Agad ding tumakas ang suspek matapos ang pamamaril.
Blangko pa ang pulisya sa posibleng motibo sa krimen habang inaalam pa ang pagkakakilanlan ng suspek. (NILOU DEL CARMEN)
289
