Negosyanteng makakalaban ni Pasig Mayor Sotto sa 2025 mayoralty race nakararanas na ng panggigipit

HINDI pa man nakakapag-file ng kanyang Certificate of Candidacy ang negosyanteng pinaniwalaang siyang makakalaban ni Mayor Vico Sotto sa 2025 mayoralty race ay dumaranas na umano ang pamilya nito ng panggigipit mula sa kampo ng reeleksiyunistang alkalde.

“Tatlong kasong kriminal ang halos sabay-sabay na inihain sa piskalya ng lungsod nitong nakaraang dalawang linggo laban sa akin. Mga asuntong pambuwisit lamang na pilit ginawang kriminal para lang gipitin ang aming pamilya,” pahayag ni Curlee Discaya, ang kilalang kontraktor na ang maybahay na si Sarah ay inendorso ng sectoral groups sa Pasig bilang kanilang kandidato sa pagka-alkalde sa darating na 2025 election.

Si Discaya, may-ari ng Quadruple A builder na St. Gerrard Construction, ay sinampahan sa piskalya noong Agosto 13, 2024 ng tatlong kasong paglabag sa National Building Code dahil wala umanong building permit at occupancy permit ang tatlong gusaling ipinatayo nito sa iba’t ibang lugar sa lungsod.

Noong Setyembre 10, 2024 ay nagpalabas ng resolusyon ang piskalya para sa dalawang kaso na abswelto si Discaya sa akusasyon na walang building permit ang naipatayo nitong gusali makaraang magprisinta ito ng mga ebidensiya, pero pinagpiyansa pa rin siya ng P24,000 sa dalawang kaso dahil sa kawalan naman umano ng occupancy permit.

Ang isa pang kaso na nai-file sa ibang piskalya ng lungsod, na magkatulad din ang alegasyon, ay may resolusyon na ring naipalabas si prosecutor Maria Margarita Aspe noong Setyembre 11, 2024 na nagsabing abswelto rin si Discaya sa bintang na walang building permit dahil may naiprisinta naman itong mga ebidensiya, pero may pananagutan pa rin umano ito sa National Building Code dahil sa kawalan ng occupancy permit.

Sa ngayon ay nahaharap pa rin si Discaya sa tatlong kasong paglabag sa NBC sa Pasig Metropolitan Trial Court sapagkat kahit napatunayan niyang kumpleto ng building permits ang naipatayong tatlong gusali ay wala naman umanong occupancy permit ang mga ito.

Matatandaan na naunang napag-initan ni Sotto si Discaya makaraang sumulat ito sa alkalde noong Hulyo 17, 2024 na magalang na nagmungkahing sana ay ire-consider ang P9.6 bilyong proyekto ng lungsod para sa bagong city hall at babaan ang badyet nito upang umano ay magamit ang pondong matipid para sa mga proyektong higit na kailangan ng Pasigueños.

Sa kanyang sulat sa alkalde ay nag-alok pa si Discaya na ang construction firm nito ang gagawa ng plano para sa disenyo ng bagong city hall at hindi na siya maniningil ng daan-daang milyong pisong bayad, bagkos ay gamitin na lang ang pambayad sa engineering design para sa pagpapatayo ng dagdag na ospital na kumpleto sa medical facilities at may sapat na mga gamot.

Sinabi naman ng mga abogado ni Discaya na obyus umanong panggigipit lamang sa kanilang kliyente ang ginagawa ng kampo ni Sotto dahil pinagkaitan umano ito ng kanyang mga karapatan sa ilalim ng umiiral na batas kagaya ng pagkakataong magbigay at dinggin ang kanyang panig bago sampahan ng kaso sa piskalya at hukuman.

Kanilang ipinaliwanag na sa ilalim ng mga alituntunin ng National Building Code ay may karapatan umanong sagutin muna ni Discaya ang report ng building inspector na ang mga gusaling kanyang mga ipinatayo ay tunay ngang walang building permit at occupancy permit.

“Ang nangyari ay bigla na lang sumulpot sa amin ang notice of violation na halaw sa report ng building inspector na hindi naman nag-inspection, at nang sagutin ko ang nasabing notice dahil sa maling bintang ay hindi naman pinansin ng opisina ng Pasig Building Official at diretso na nila isinampa sa piskalya ang kaso,” paliwanag ni Discaya.

Ang tamang proseso na umano’y ipinagkait kay Discaya ay ang karapatang dinggin ang kanyang sagot sa mga bintang sa antas ng building official ng lungsod, sunod nito ay ang motion for reconsideration sakaling hindi pabor sa kanya ang desisyon ng building official, pagkatapos ay ang karapatan nyang iapela ang mga adverse decision sa Secretary ng Department of Public Works and Highways, hanggang sa Malacañang at Korte Suprema bago iakyat ang kaso sa piskalya at hukuman kung may tinatawag na reasonable certainty of conviction.

Pinuna rin ng mga abogado ni Discaya ang lumagda sa kasong isinampa sa kanilang kliyente na si Pasig City administrator Jeronimo Manzanero dahil sa usapin umano ng mga paglabag sa National Building Code ay tanging ang Building Official lamang ng gobyernong lokal ang awtorisadong magsampa ng reklamo.

“Ang kasong less grave offense na isinampa laban kay Discaya ay pwedeng administratibo lamang na may multang P8,000, o kaya naman ay pwedeng samahan ng pagkakulong na isang araw hanggang 30 araw kung paulit-ulit na ginagawa,” paliwanag ng kanyang mga abogado, na nagpahayag ng pagtataka sa dahilang si Discaya lamang ang napuntirya ng city hall sa kabila ng katotohanang alam sa buong Pasig na mahigit 60 porsiyento ng mga bahay at gusali sa lungsod ay walang building permit o occupancy permit.

117

Related posts

Leave a Comment