UPDATE SA TAG CARGO CONTAINERS NA NASA MICP AT DAVAO PORT PA

RAPIDO ni PATRICK TULFO

KATATAPOS ko lang pong makausap ang isang opisyal ng Department of Migrant Workers (DMW) upang humingi ng update sa containers na naglalaman ng Tag Cargo balikbayan boxes na nasa Manila International Container Port at Davao Port.

Hindi ko muna po papangalanan ang naturang opisyal dahil nasabi na niya dati na hindi siya awtorisado na magsalita ukol dito.

Ayon sa naturang opisyal, ang Deed of Donation and Acceptance (DODA) ng containers sa Davao Port ay hawak na nila.

Samantalang kasalukuyang inaayos pa rin daw ang mga dokumento ng containers na nasa MICP.

Inamin ng naturang opisyal ang problema sa pagre-release ng pondo na dapat sana ay kukunin sa kanilang action fund. Dahil kung magkaganoon ay kinakailangang dumaan muna sa bidding kung sino ang magbibigay ng serbisyo para sa delivery.

May nakita na raw silang solusyon sa problemang ito at ito raw ay aalamin kung saan-saang rehiyon ang destinasyon ng mga kahon at doon ito ibabagsak.

Door-to-Door pa rin ang magiging tema ng delivery ng mga kahon at pinag-uusapan pa ang tungkol sa mga kahon na malabo o nabura na ang pangalan, address at telepono ng recepients.

Humingi ito ng dispensa na hindi pa rin sila makapagbibigay ng date kung kailan ito magsisimula at inamin na hindi pa rin nailalabas sa Davao Port ang containers na nakatengga pa roon.

Sana naman ay pagtuunan ng pansin ng mga opisyales ng DMW ang problemang ito dahil matagal nang naghihintay ang mga pamilya ng OFWs kanilang mga kahon.

Magiging ehemplo rin ang delivery ng mga kahon na ito sa iba pang abandonadong balikbayan boxes na ido-donate ng Bureau of Customs sa Department of Migrant Workers.

57

Related posts

Leave a Comment