Uwi agad pagkatapos bumoto ‘WAG MAG-MARITES SA LUNES – COMELEC

PINAKIUSAPAN ni Comelec Commissioner George Erwin Garcia ang mga botante na huwag nang makipag-Marites (chismisan) at mangyaring dumiretso na ng uwi sa kani-kanilang bahay pagkatapos bumoto sa Lunes, May 9.

Sa Laging Handa public briefing, tinuran ni Garcia na base sa mga nakaraang halalan ay nakagawian ng mga botante na pagala-gala pa sa loob ng polling place, sa mismong paaralan habang ang iba ay nakiki-‘Marites’ pa.

Kaya ang panawagan ni Garcia, huwag nang makipagtsismisan dahil mayroon pa ring COVID-19 na maaari pang makapanghawa.

“Ganoon din po, tayo po ay natanong, papaano daw po iyong iba kasi naku, talaga namang pagala-gala pa sa loob ng polling place, sa mismong paaralan. Makatapos makaboto iyong iba ay nakiki-‘Marites’ pa,” ayon kay Garcia.

“Iyong iba talaga ay nakikiistorya, naghahanap ng mga kakwentuhan. Huwag na po, umuwi na lang po muna siguro tayo sapagkat tatandaan natin, mayroon pa rin po tayong COVID-19 sa kasalukuyan,” dagdag na pahayag nito.

Ani Garcia, mas maganda na makaboto ang lahat nang ligtas at makabalik din sa kani-kanilang tahanan nang ligtas sa anomang peligro na dulot ng COVID 19.

“Mayroon pa rin po tayong giyera sa pandemya na ito and therefore mas maganda na po na safe tayong makakaboto, safe din po tayong uuwi,” aniya pa rin.

Samantala, magsisimula namang magbukas ang mga presinto sa Lunes, Mayo 9 ng alas-6 ng umaga hanggang alas-7 ng gabi. (CHRISTIAN DALE)

182

Related posts

Leave a Comment