SUSPENDIDO ang online classes sa Valenzuela City kapag bumabagyo, ayon sa Panuntunan sa Suspensyon ng Klase sa Panahon ng Distance Learning na inilabas ng Pamahalaang Lungsod.
Kapag Signal No. 1 ay suspendido ang klase sa preschool at kindergarten sa mga pampubliko at pribadong paaralan. Magpapatuloy pa rin ang broadcast ng Valenzuela Live at ang mga talakayan sa klase at ang mga nagdaang aralin ay ia-upload at maaaring mapanood sa itinalagang YouTube channel.
Suspendido ang klase sa pre-school, kindergarten, elementary at high school sa mga pampubliko at pribadong paaralan kapag Signal No. 2, maging ang broadcast ng Valenzuela Live at ang mga talakayan sa klase.
Pati trabaho ng Department of Education ay kanselado na kapag Signal No. 3, maging ang broadcast ng Valenzuela Live at talakayan sa klase.
Maaaring panoorin ang nakalipas na mga aralin sa itinakdang YouTube channel upang makapagbalik-aral ang mga estudyante at hinihikayat ang sariling pag-aaral gamit ang learning modules.
Sa pagkakataong masungit ang panahon ngunit walang babala ng bagyo galing sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), maaaring suspendehin ng lokal na pamahalaan ang mga klase at trabaho. (ALAIN AJERO)
