MULING binisita ng Department of Education ang kanilang mga alituntunin kaugnay sa ipinatutupad na automatic suspensions ng klase kapag mayroong bagyo.
Ayon kay Education Undersecretary Tonisito Umali, kailangan nila itong muling pag-aralan dahil naiiba ang sitwasyon ngayon na may blended o distance learning.
Inulan ng tanong sa social media ang ahensya kaugnay sa suspension ng klase ngayong panahon ng blended learning na ipinatutupad dahil sa pandemya.
Pumasok kasi ang Bagyong Ofel na inaasahang tatahak din sa Metro Manila.
Nagtaas na rin ng Storm Signals ang PAGASA sa ilang lugar na dinaraanan ng bagyo.
Sa ilalim kasi ng Executive Order 66 s. 2012, nakasaad dito na kapag Signal Number 1 ay otomatiko na walang klase sa Kinder.
Habang hanggang high school naman kapag signal number 2.
Pasok naman ang Kolehiyo sa Signal Number 3.
Sinabi ni Umali na ipinatupad ang naturang sistema noong pumapasok sa paaralan ang mga bata.
“We have to meet and revisit the rule,” pahayag ni Umali.
Pero kung siya umano ang tatanungin, naniniwala si Umali na dapat ay tuloy ang klase, dahil naka-depende sa modules at internet o online learning.
Iyon nga lang, kung magkakaproblema sa pamimigay ng modules at sa malawakang brownout, magdedesisyon dapat agad ang lokal na pamahalaan.
“Learning must continue despite the conditions. But we will have to revisit the rule,” inamin ni Umali. (CATHERINE CUETO)
