PARA hindi mabulahaw ang mga mag-aaral sa kanilang online classes, ban na rin sa Valenzuela City ang pagpapatugtog nang malakas at pagbirit sa videoke.
Ito ay makaraang ipasa ng Sangguniang Panlungsod ang Ordinance No. 800 na nag-aamyenda sa Videoke and Other Devices of Similar Nature Regulatory Ordinance.
Sa bagong ordinansa, ang pagbirit sa videoke at pagpapatugtog ng malakas na musika ay ipinagbabawal mula 6 am hanggang 5 pm, Lunes hanggang Biyernes maliban kung holiday, sa lahat ng residential areas.
Mula naman 10 pm hanggang 6 am ay bawal ang nasabing mga gawain Lunes hanggang Biyernes.
Samantala, hiniling ni Navotas City Mayor Toby Tiangco sa Sanggunian ng lungsod na magpasa ng ordinansang magbabawal sa videoke at malakas na pagpapatugtog.
Posibleng hanggang gitna ng 2021 ang hiling na videoke ban sa Navotas matapos magreklamo dahil sa ingay ang mga estudyanteng nasa online classes. (ALAIN AJERO)
