NAGLABAS muli si dating kongresista Zaldy Co ng panibagong video kung saan idinadawit niya si First Lady Liza Araneta Marcos, pati na rin ang kapatid nito, sa umano’y rice at onion cartel. Sa bagong video, pinalawak pa niya ang akusasyon at isinama na rin sina Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at House Senior Deputy Majority Leader Sandro Marcos.
Pero tulad ng dati, wala siyang ipinakitang ebidensya, at agad na itinuturo ng mga opisyal ang mga butas sa kanyang kuwento.
Tinawag ni Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. na “total baloney” at “script pang-Netflix” ang mga paratang ni Co. Nilinaw niya na ang tanging bahaging may katotohanan sa pahayag ni Co ay ang pagbanggit sa pagbaba ng rice import tariff — isang mungkahi na matagal nang pinag-uusapan ng iba’t ibang opisyal at hindi ideya ni Co lamang. Sa katunayan, zero tariff ang rekomendasyon ni Co, hindi 15 percent. Mariin ding itinanggi ni Tiu Laurel ang akusasyon sa umano’y manipulasyon at pagkakasangkot ng pamilya ng First Lady, na tinawag niyang “definitely baloney” mula bigas hanggang asukal.
Sa video, iginiit din ni Co na umano’y “nag-utos” si Sandro Marcos ng ₱51 bilyong budget insertions mula 2023 hanggang 2025 — isang paratang na agad pinabulaanan ni Sandro, na binansagang “kasinungalingan” at bahagi ng umano’y destabilization efforts laban sa administrasyon.
Naglabas pa si Co ng panibagong kwento tungkol sa umano’y buwanang remittance na hinihingi raw ni dating Speaker Martin Romualdez, ngunit muli, walang dokumento, petsa, mensahe o anumang patunay.
Ayon kay Chairman Emeritus Dr. Jose Antonio Goitia, “Ang paratang na walang ebidensya ay hindi whistleblowing. Ito ay panlilinlang, at nagiging delikado kapag binibigyan ang publiko ng maling impormasyon.”
Inihayag naman ni Pangulong Marcos Jr. na tinangka umano siyang i-blackmail ni Co, at mariing sinabi: “I do not negotiate with criminals.”
Sa Kongreso, matindi ang pagtuligsa. Sa opisyal na pahayag ni Majority Leader Sandro Marcos, sinabi niyang si Co “ay walang kredibilidad at nagtatangkang guluhin ang pamahalaan.” Giit pa niya, ang pagpapakalat ng kasinungalingan mula sa ibang bansa ay “hindi magpapalitaw ng katotohanan.”
Tinawag pa niya si Co na “isang kriminal na umiiwas sa pananagutan — hindi isang crusader.”
Dagdag pa niya: “Kung tunay ang hawak mong katotohanan, humarap ka sa batas. Huwag kang maglabas ng video mula sa’yong pinagtataguan.”
Sa mga nauna niyang video, palipat-lipat ang pahayag ni Co — minsan sinasabing naghatid siya ng pera, minsan sinasabing wala siyang tinanggap. Ngayon ay may bago na namang idinadawit, pero wala pa ring rekord, dokumento o saksi.
Sabi ni Goitia: “Kapag pabago-bago ang kuwento pero walang ebidensya, gumuguho ang kredibilidad.”
Hanggang ngayon, habang mas nagiging dramatiko ang mga video ni Co, hindi naman tumitibay ang ebidensya.
Si Dr. Jose Antonio Goitia ay Chairman Emeritus ng apat na civic oriented organizations: Alyansa ng Bantay sa Kapayapaan at Demokrasya (ABKD), People’s Alliance for Democracy and Reforms (PADER), Liga Independencia Pilipinas (LIPI), at Filipinos Do Not Yield (FDNY) Movement, na itinataguyod ang katotohanan, katatagan, at dangal ng sambayanang Pilipino.
19
