11 SUGATAN SA PANANAMBANG SA MILITARY CONVOY SA BASILAN

LABING-ISANG tauhan ng pamahalaan ang nasugatan matapos tambangan ng mga hinihinalang lawless elements o terrorist group ang military convoy sa Tipo-Tipo, Basilan, kahapon ng umaga.

Tatlo sa mga sugatan ang nasa kritikal na kondisyon matapos ang pananambang sa mga tauhan ng Philippine Army.

Bukod sa anim na sundalo mula sa 45th Infantry Battalion (45IB), kabilang din sa mga nasugatan ang mga miyembro ng Civilian Armed Auxiliary (CAA), dahilan upang umabot sa 11 ang kabuuang bilang ng mga biktima.

Ayon sa Joint Task Force Orion, tinatahak ng mga tauhan ng 45IB ang national road sa Barangay Badja dakong alas-7:45 ng umaga nang paulanan ng bala ang military convoy na pinangungunahan ni Lt. Col. Franco Baylon, commanding officer ng 45IB.

Ayon kay Brig. Gen. Frederick Sales, commander ng 1101st Infantry “Gagandilan” Brigade, binubuo ang convoy ng tatlong KM 450 military truck at tatlong civilian vehicle na patungo sana sa headquarters ng 1101st Brigade sa Barangay Tabiawan, Isabela City, mula Tipo-Tipo sa pamamagitan ng Lamitan City.

Gayunman, pagsapit sa Sitio Bauno Dagao sa Barangay Badja ay sinalakay umano ng mga armadong grupo ang convoy.

Agad na dinala sa isang pagamutan sa kalapit na Lamitan City ang mga sugatan para mabigyan ng lunas.

Kinailangan namang magsagawa ng medical evacuation mission ang isang Black Hawk helicopter upang mai-airlift ang tatlong kritikal na biktima patungo sa Camp Navarro General Hospital sa Zamboanga City.

Agad namang ipinag-utos ng militar ang pagtukoy at pagtugis sa mga responsable sa pananambang sa mga tauhan ng Philippine Army.

(JESSE RUIZ)

42

Related posts

Leave a Comment