APAT katao, kabilang ang tatlong bata, ang nasawi matapos sumabog ang hinihinalang rifle grenade sa Barangay Sinamar, Roxas, Isabela, bandang alas-9 ng umaga noong Linggo, Oktubre 4.
Ayon sa pulisya, kabilang sa mga nasawi ang isang 8-anyos na bata na agad pumanaw sa pinangyarihan ng insidente matapos umano nitong mapulot ang isang hindi pa matukoy na bagay at ihagis sa bato.
Nasawi rin habang nilalapatan ng lunas sa ospital ang isang 85-anyos na babae at dalawa pang bata na edad 8 at 10.
Apat pang bata ang nasugatan sa insidente at kasalukuyang nagpapagaling sa magkakahiwalay na ospital.
Nagsasagawa na ng post-blast investigation ang Isabela Provincial Explosives and Canine Unit upang matukoy ang pinagmulan at uri ng pampasabog na sangkot sa insidente.
Nagpaabot naman ng agarang pakikiramay ang LGU ng Roxas, Isabela sa pamilya ng mga biktima.
(NILOU DEL CARMEN)
43 