2 HOLDAPER NG GRAB TIMBOG SA MAAGAP NA DRIVER

ARESTADO ang dalawang hinihinalang mga holdaper makaraang maagap na sumigaw ang Grab driver na biktima ng mga ito, na may mga holdaper sa loob ng kanyang sasakyan, sa nagpapatrolyang mga awtoridad sa Honorio Lopez Boulevard, Barangay 129, Tondo, Manila noong Martes ng madaling araw.

Kinilala ang nadakip na mga suspek na sina alyas “Ron-Ron”, 34, at “Buboy”, 22, kapwa ng Balut, Tondo, Manila.

Base sa ulat ng 10 Charlie Sector at Police Mobile Unit ng Raxabago Police Station 1 ng Manila Police District, bandang alas-2:10 ng madaling araw, habang nagsasagawa ng police visibility ang mga awtoridad sa nabanggit na lugar nang marinig nila ang sigaw ng humintong driver ng Grab car.

Nagtangka namang tumakas ang isa sa mga suspek ngunit mabilis itong nadakma ng mga pulis.

Ayon sa salaysay ng driver na si “Florence”, 33-anyos, sumakay ang mga suspek sa minamaneho niyang Toyota Vios sa Nepa Street sa Balut, Tondo.

Ngunit nagdeklara umano ng holdap ang mga ito at kinuha ang kanyang kita.

Tiyempong nagpapatrolya ang mga awtoridad sa lugar na agad hiningian ng tulong ng driver.

Nahaharap ang arestadong mga suspek sa kasong paglabag sa Article 293 (robbery) at Article 148 (direct assault) ng Revised Penal Code.

(RENE CRISOSTOMO)

40

Related posts

Leave a Comment