CAYETANO, AYAW IPAMANA SA SUSUNOD NA HENERASYON LUMALAKING UTANG NG BANSA

NANAWAGAN si Senate Minority Leader Alan Peter Cayetano sa mga opisyal ng pamahalaan na tugunan ang lumalaking utang ng bansa sa pamamagitan ng pagpapalakas ng ekonomiya at paglikha ng pangmatagalang oportunidad para sa kasalukuyan at susunod na henerasyon ng mga Pilipino.

“Let us start by being that kind of leader, so our children inherit more than a debt to repay. Let them inherit a country they can believe in, and one they will want to help build,” pahayag ni Cayetano sa kanyang Facebook post nitong Nobyembre 25, 2026.

Kasunod ito ng kanyang naging pahayag sa plenary deliberations ng panukalang 2027 national budget noong Lunes, kung saan iminungkahi niya ang pagbuo ng mekanismo para sa mga Pilipinong nais kusang mag-ambag upang mabawasan ang mahigit ₱19 trilyong utang ng bansa.

Sinabi ng senador na kailangang kumilos agad ang pamahalaan upang palakasin ang ekonomiya at maibalik ang tiwala ng publiko sa kinabukasan ng bansa, sa halip na hintaying magkaroon pa ng krisis pinansyal.

“Should we not act before one comes? Many, regardless of political color, have warned that we are close to being the sick man of Asia again. Isn’t prevention better than cure?” wika niya.

Binigyang-diin ni Cayetano na dapat maramdaman ng ordinaryong Pilipino ang anumang hakbang sa ekonomiya sa pamamagitan ng mas matatag na trabaho, sapat na sahod at maayos na serbisyong pampubliko sa lahat ng rehiyon.

Hinimok din niya ang pamahalaan na maging responsable sa pangungutang at paggastos, at tiyaking may pangmatagalang pakinabang sa bansa ang bawat uutangin nito.

“We have to borrow less and borrow better, and spend with care,” aniya.

Bilang halimbawa ng pagkakaisa ng mamamayan sa panahon ng krisis, binanggit ni Cayetano ang karanasan ng South Korea noong 1997 Asian financial crisis, kung kailan milyon-milyong mamamayan ang kusang nag-donate ng kanilang gintong alahas at iba pang mahahalagang gamit upang makatulong sa pagpapalakas ng foreign currency reserves ng bansa.

Gayunman, nilinaw niyang hindi lamang ang donasyon ng ginto ang naging dahilan ng pagbangon ng South Korea, kundi maging ang mga repormang pang-ekonomiya, paglakas ng exports at ilang taong pagsasakripisyo ng mga mamamayan.

Ayon pa kay Cayetano, mahalaga rin ang integridad at pananagutan ng mga namumuno upang mapanatili ang tiwala ng publiko at mahikayat ang mamamayan na makibahagi sa pagpapaunlad ng bansa.

“A nation’s finances follow its character. Where leaders are careful with what is not theirs, and citizens can see it, people give more than gold. They give effort, patience and good faith. Where that is missing, no fund, no bond and no appeal will fill the gap,” pahayag niya.

38

Related posts

Leave a Comment