2 KOREANO HULI SA P1M KETAMINE

NAARESTO ng mga operatiba ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Regional Office 3 ang dalawang Korean national na sinasabing POGO workers matapos makumpiskahan ng humigit-kumulang 200 gramo ng ketamine na nagkakahalaga ng P1 milyon sa Clark Freeport Zone, Pampanga.

Ayon sa ulat na isinumite sa tanggapan ni PDEA Director General Isagani Nerez, isinagawa ang buy-bust operation ng PDEA ROIII bago magbukang-liwayway nitong Martes, October 6, 2026.

Sa ulat na natanggap ni PDEA Deputy Director General for Operations Renato Gumban, kinilala ang mga suspek sa kanilang mga alyas na Jung, 38, at Hyun, 31.

Nabatid na limang buwan at isang taon na sa bansa sina Jung at Hyun, ayon sa pagkakasunod.

Bukod sa tinatayang 200 gramo ng ketamine, nakumpiska rin ng operating team ang isang mobile phone at marked money na ginamit sa buy-bust operation.

Ayon sa PDEA, nag-ugat ang operasyon sa impormasyon mula sa isang confidential informant.

Isinailalim naman sa forensic examination at confirmation ng PDEA Region 3 Laboratory ang nakumpiskang substance.

Isinagawa ang operasyon sa magkasanib na puwersa ng PDEA Region 3 Special Enforcement Team (RSET), PDEA Pampanga Provincial Office, at Mabalacat City Police Station.

Kapwa nahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa Section 5 (Sale of Dangerous Drugs), kaugnay ng Section 26(B) (Conspiracy to Sell), Article II ng Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Pansamantalang nakadetine ang dalawa sa jail facility ng PDEA Region 3 sa San Fernando City, Pampanga.

(JESSE RUIZ)

91

Related posts

Leave a Comment