CAVITE – Dalawang sangay ng isang convenience store ang magkasunod na hinoldap ng dalawang suspek sa Silang at Dasmariñas City sa lalawigan nitong Lunes ng madaling araw.
Tinutugis ngayon ng mga awtoridad ang mga suspek na ang isa ay inilarawang tinatayang 5’4″ ang taas, payat ang pangangatawan, nakasuot ng puting face mask, brown na jacket, habang ang isa pa ay payat din ang pangangatawan, nakasuot ng puting face mask at hoodie jacket, at magka-angkas sa motorsiklo.
Ayon sa salaysay ni Kristel Ann, store crew ng convenience store sa Brgy. Iba, Silang, Cavite, bandang alas-2:10 ng madaling araw nang pumasok ang mga suspek at nagpanggap na mga customer.
Naglabas umano ng baril ang mga ito at tinutukan sila saka sinabihan na pumasok sa stock room si Kristel. Inutusan din ito na ilagay ang ‘di pa nabatid na halaga ng cash sa bulsa ng pantalon ng suspek.
Habang ang isa pang suspek ay inutusan ang isa pang store crew na buksan ang vault at kinuha ang tinatayang P7,000 cash. Pagkaraan ay pinapasok sila sa comfort room.
Matapos ito ay tumakas ang mga suspek sa direksyon ng Silang Proper sakay ng motorsiklong ‘di naplakahan.
Ang dalawang suspek ang hinihinalang nanloob din sa isa pang sangay ng convenience store sa Brgy. San Jose, Dasmariñas City, bandang alas-2:30 ng madaling araw.
Ayon sa salaysay ng store crew na sina Michelle Macalinga at Danica Anduyan, pumasok ang mga suspek at nagpanggap na mga customer at tinutukan sila ng baril saka kinuha ang hindi nabatid na halaga ng cash mula sa vault.
Pagkaraan ay pinapasok ng mga suspek ang dalawang store crew sa stockroom saka mabilis na tumakas ang mga ito.
(SIGFRED ADSUARA)
112 