LUMAPIT si Philippine tennis ace Alexandra “Alex” Eala sa inaasam na unang singles title ngayong taon matapos umabante sa semifinals ng 2022 US Open juniors sa USTA Billie Jean King National Tennis Center sa Flushing Meadows, New York.
“SEMIS-BOUND!!! Amazing atmosphere!”
Ito ang pinost ng Pinay teener na estudyante ng Rafael Nadal Tennis Academy matapos biguin ang doubles partner na si Mirra Andreeva ng Russia, 6-4, 6-0, sa quarterfinals nitong Huwebes.
Ngunit dahil lubhang napagod ang magpartner sa doubles matapos maglaban sa singles event na inabot ng isang oras at 10 minuto, hindi na sila tumuloy sa match up kontra Germany’s Ella Seidel at Carolina Kuhl, na walang kahirap-hirap na humakbang sa quarterfinals.
Sunod na makakasagupa ng 17-anyos na si Eala ang 16-anyos at tournament 9th seed na si Victoria Mboko ng Canada.
Ang SEA Games bronze medalist na si Eala, ranked 297th sa women’s singles at 217th sa doubles, ay nagbalik sa juniors circuit matapos ang mahaba-habang bakasyon at pinayuko si eighth seed Taylah Preston, 6-2, 7-6 sa Round of 16 para umusad sa quarterfinals. (ANN ENCARNACION)
