TULUYAN nang nalaglag sa kanyang trono si Speaker Alan Peter Cayetano nang pagtibayin kahapon sa plenaryo ng 186 mambabatas ang kanilang naunang paghalal kay presumptive Speaker Lord Alan Velasco.
Habang muling nagbobotohan sa Kamara ay nag-Facebook live si Taguig-Pateros Rep. Cayetano at inihayag ang kanyang pagbibitiw bilang pinuno ng 300 kongresista.
Nag-FB live ang mambabatas sa harap ng kanilang compound sa Taguig City kasama ang ilang supporters.
“Right now, verbally, I am tendering my irrevocable resignation as the Speaker of the House of Republic of the Philippines. So ang pakiusap ko sa mga kasama ko 3:00 o’clock ang notice ng session. At 3:00 o’clock elect your new Speaker and pass the budget, Okey!,” ani Cayetano.
Inatasan din ni Cayetano ang kanyang mga staff na magbalot-balot upang maokupahan na ng bagong Speaker ng Kamara na si Velasco ang Office of the Speaker.
Tiniyak ni Cayetano na hindi ito magiging balakid sa pagpapatibay sa 2021 national budget na nagkakahalaga ng P4.506 trillion dahil mahalaga aniya ito sa pagbangon ng bansa sa pandemya sa COVID-19 na patuloy na nananalasa sa bansa.
Umapela rin ito sa kanyang mga supporters na suportahan ang bagong liderato at tumulong sa pagpapatibay sa pambansang pondo.
Bago ang kanyang resignation, pinasalamatan ni Cayetano si Pangulong Rodrigo Duterte sa mga oportunidad na ibinigay sa kanya upang magsilbi at tumulong sa administrasyon.
“So Mr. President, I made a mistake. Mali ang reading ko, misunderstood ko na gusto mong ituloy at tapusin ko ang budget ako ay humihingi ng paumanhin. Hindi ko intensyon, never na hindi ka sundin,” ani Cayetano.
Gayunpaman, pinanindigan ni Cayetano na ang palitan ay dapat sa Nobyembre at hindi Oktubre subalit Setyembre pa lamang umano ay nanggulo na ang grupo ni Velasco kaya naapektuhan ang budget.
Aminado si Cayetano na nahati ang puwersa ni Duterte sa Kamara kaya nagpasya na itong bumaba subalit nakiusap ito sa liderado ni Velasco na “huwag babuyin” ang Institusyon.
205 supporters naglaho
Mistulang naglaho naman ang 205 congressmen na pumirma sa manifesto na nais nilang manatili si Cayetano bilang Speaker habang tumatagal ang kanilang agawan sa trono ni Velasco.
Magugunita na noong Oktubre 6, ay nag-offer si Cayetano na mag-resign bilang Speaker matapos aprubahan sa ikalawang pagbasa ang House Bill (HB) 7727 o General Appropriation Bill (GAB) o national buget.
Subalit sa mosyon ni Anakalusugan party-list Rep. Mike Defensor, ni-reject ng 184 congressmen ang resignation ni Cayetano at matapos nito ay gumawa ng manifesto na pinirmahan ng 205 congressmen.
Subalit sa session ng grupo ni Velasco sa Celebrity Sports Plaza noong Lunes, Oktubre 12, 186 congressmen ang bumoto para siya iluklok bilang Speaker ng Kapulungan.
Ayon kay Cayetano, noong Lunes ng gabi ay umaabot pa sa 153 congressmen ang kanyang supporters subalit kinabukasan ay parti-partido na ang lumipat kay Velasco tulad ng puwersa ng Lakas-CMD na pinamumunuan ni House Majority leader Martin Romualdez.
Bagong Speaker
Kahapon ay pormal nang umupo bilang House Speaker si Velasco.
Mismong si Velasco ang nag-preside sa kanyang kauna-unahang session bilang Speaker kung saan agad nagmosyon si Pampanga Rep. Rimby Bondoc para magsagawa muli ng nominal voting kung saan 186 congressmen ang bumoto para sa bago nilang lider.
Agad niratipikahan ang 186 affirmative votes para pormal na kilalanin bilang Speaker ng Kamara si Velasco.
“To the Filipino people, To my dear colleagues, i am humbled for your support and trust to be elected as your Speaker of the House of the 18th Congress,” ani Velasco sa kanyang acceptance speech.
Isinisi ni Velasco kay Cayetano ang problemang pinagdaanan ng Kongreso sa mga nakaraang araw dahil sa pagtanggi aniya ng dating Speaker na kilalanin ang term-sharing agreement na inayos ni Pangulong Rodrigo Duterte.
“Let us show our countrymen that loyalty and fidelity to the promises we make are not mere conveniences for us. Let us be good examples of palabra de honor, and demonstrate that our word is our bond,” pahayag pa ni Velasco.
Galing sa mga Nograles?
Galing sa mga Nograles ang mace na ginamit ng grupo ni Velasco sa kanilang session sa Celebrity Sport Plaza noong Lunes.
Ito ang impormasyong nakarating umano kay House deputy Speaker Neptali Gonzales II.
“The mace used in the Celebrity Sports Complex gathering was not the official one used by the House. According to sources, the mace was a memento given to the late former Speaker Prospero Nograles,” ani Gonzales.
Lahat ng Speaker ng Kamara ay binibigyan ng kopya ng mace pagkatapos ng kanilang termino kabilang na si Nograles na naging pinuno ng Kamara noong Pebrero 5, 2008 hanggang June 30, 2010.
Isa sa mga anak ni Nograles na si PBA party-list Rep. Jericho Nograles ay kabilang sa puwersa ni Velasco.
Gayunpaman, hindi umano puwedeng gamitin ang mace ng mga nagdaang speaker sa sesyon sa labas ng plenaryo ng mababang kapulungan ng Kongreso. (BERNARD TAGUINOD)
