PAGKATAPOS harangin ang 21 mga mamahaling sasakyan, winasak ang mga ito ng apat na port ng Bureau of Customs (BOC) nitong Hunyo 18.
Tumataginting na P58.55 milyon ang kabuuang halaga ng mga magagarang sasakyan ang winasak ng Manila International Container Port (MICP), Port of Manila (POM), Port of Subic at Port of Cagayan de Oro (CDO), ayon sa BOC.
Ang pagwasak sa mga idineklarang smuggled vehicles ay malinaw na ebidensiyang magpapatunay na walang nakalulusot sa liderato ng MICP, POM, Port of Subic at Port of CDO na mga produktong galing sa ilegal na paraan ng pagpapapasok sa bansa.
Pitong sasakyan ang winasak sa Maynila, samantalang labing-apat sa CDO.
Ang mga winasak sa Manila ay ang isang brand new na McLaren 620R, isang used Hyundai Genesis, isang used Bentley 2007, isang used Porsche 911 C2S, isang used Mercedes-Benz, isang Lotus at isang Toyota Solara.
Ang mga winasak sa CDO ay labing-apat na used Mitsubishi Jeeps.
Ang mga nasabing sasakyan ay nakapangalan sa iba’t ibang kumpanya na nakumpiska ng MICP, POM, Port of Subic at Port of CDO mula 2018 hanggang 2020.
Ayon sa BOC, ang kondemnasyon ng mga sasakyan ay nakabatay sa Presidential Directive 2017-447 kung saan minsang idiniin ni Pangulong Rodrigo Duterte na “[there is a] need to destroy smuggled vehicles to send the strong message that the government is serious in its efforts against smuggling”.
(Joel O. Amongo)
438 