Pangakong Napako… BAYAN, HANGGANG KAILAN MAGTITIIS SA MABAGAL NA INTERNET?

TAMBULI ni JESSE RUIZ

SANA hindi ningas-kugon ang National Telecommunications Commission (NTC) sa kanilang aksyon laban sa tatlong telcos na nagkakamal ng bilyon-bilyong kita sa kanilang mabagal na internet service.

At sana magbunga rin ito ng kapaki-pakinabang para naman sa sambayanang Pinoy dahil sa kabila ng mabilis na pag-unlad ng teknolohiya at ang patuloy na pagtaas ng singil sa mga serbisyo, nananatiling usad-pagong ang mobile broadband sa bansa.

Mga kapatid, muli itong pinatunayan ng pinakabagong speed test revalidation ng National Telecommunications Commission (NTC) ngayong Setyembre 2026.

Para silang mga manhid na sa kabila ng mga ibinigay na pagkakataon upang ayusin ang kanilang pasilidad, walang anomang makabuluhang pagbabago na nararamdaman ang taong bayan sa kalidad ng serbisyo ng tatlong higante sa industriya—ang DITO Telecommunity, Globe Telecom, at Smart Communications—sa mismong sentro ng ekonomiya ng bansa, ang National Capital Region (NCR).

Matagal nang panahon, mga katoto, hindi na bago ang reklamo ng publiko sa mahina at paulit-ulit na pagkawala ng signal ng tatlong giant telcos. Sa Maynila, Makati, at Quezon City para sa Globe; San Juan, Pasay, at Las Piñas para sa DITO; at Parañaque, Maynila, at Pasig para sa Smart, pare-parehong pagdurusa ang nararanasan ng mga tagatangkilik. Ang mas nakadidismaya, binigyan na sila ng pagkakataon noong unang kalahati ng taon upang magsagawa ng urgent corrective measures, ngunit tila pumasok lamang sa kanang tainga at lumabas sa kaliwa ang babala ng pamahalaan.

Kapatid ng kawalan ng aksyon ang kawalan ng malasakit sa milyun-milyong Pilipinong umaasa sa internet para sa kanilang trabaho, pag-aaral, at pang-araw-araw na pamumuhay. Sa makabagong panahon, ang maaasahang internet ay hindi na isang karangyaan kundi isang pangunahing pangangailangan.

Kaya siguro, mga kapatid, maituturing na magandang hakbang ang pasya ng NTC na maglabas ng Show Cause Orders (SCOs) at magpataw ng parusang P100,000.00 bawat araw sa mga lalabag hanggang sa maayos ang mga kapalpakan sa network.

Ang kapangyarihang ito ng NTC, na nakapaloob sa Section 17(a) ng Commonwealth Act No. 146 (na inamyendahan ng RA 11659 o The Public Service Act), ay dapat lamang na gamitin nang may bagsik.

Subalit, sapat nga ba ang paniningil ng P100,000.00 kada araw? Para sa mga dambuhalang kumpanyang kumikita ng bilyun-bilyong piso taun-taon, ang halagang ito ay barya lamang. Kung talagang pampublikong kapakanan ang itinataguyod ng pamahalaan, hindi dapat huminto ang NTC sa simpleng pagmumulta. Kailangang tiyakin ng Komisyon na ang gagawing bi-weekly re-testing ay magdudulot ng totoong resulta at hindi magiging pormalidad lamang.

Nakahanda raw ang NTC na gumawa ng decisive action upang patawan ng disiplina at tiyakin ang pagsunod sa quality-of-service standards. Oras na upang patunayan ito. Ang publiko ay nagbabayad nang tama at sapat; nararapat lamang na ang kapalit nito ay serbisyong mabilis, maaasahan, at may kalidad. Huwag nating hayaang manatiling bihag ang mga Pilipino ng mabagal na internet habang patuloy na yumayaman ang mga kumpanyang nagpapabaya.

71

Related posts

Leave a Comment