Imbestigahan Natin Ni Lucas Castigador
UMALINGASAW ang anomalya sa Bureau of Customs (BOC) Port of Davao, ayon sa sumbong sa IMBESTIGAHAN NATIN ng Aduana Spotlight ng SAKSI Ngayon kamakalawa.
Direkta mula sa Davao City ang ating natanggap na tawag sa celphone mula sa impormanteng nagsiwalat sa ‘mahiwagang’ pagsira ng 11 container vans ng smuggled items.
Ayon sa impormante, noong nakaraang buwan daw ay may winasak na smuggled items ang BOC Port of Davao.
Sa 11 container vans, 7 rito ay ukay-ukay at 4 ang mga pekeng sigarilyo na tulad ng brand ng Philip at iba pa.
Ginawa raw ang pagwasak ng BOC-Port of Davao sa smuggled items sa Panabo nang walang testigo mula sa media, kinatawan ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) at mula sa kumpanya ng orihinal na sigarilyo.
Kaya, kadudaduda ang ginawang pagwasak ng BOC-Davao sa mga nakumpiskang kalakal na pawang mga puslit at peke.
Makalipas ang ilang araw, bumaha raw ang ukay-ukay sa mga bangketa ng Panabo City.
Bumaha rin ang mga sigarilyo sa Davao City na mismong lugar ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Dahil daw sa pangyayaring ito, nagsagawa ng sariling imbestigasyon ang BOC-Davao at lumabas na nawala nga ang isa sa apat na container ng sigarilyo.
Tumbok na kung bakit bumaha ang sigarilyo sa Davao City at ganu’n din ang pagkalat ng ukay-ukay sa Panabo City.
Ibig sabihin, sa 11 container vans ng smuggled items ay hindi lahat winasak dahil wala naman silang witness sa pagsira, kung ilan lang ang gusto nilang wasakin ‘yun lang ang hindi na mapakikinabangan.
Pinagkakitaan ang ibang container van na naglalaman ng ukay-ukay at sigarilyo.
Tabo ng pera ang ilang opisyal ng BOC-Davao.
Dahil sa pangyayaring ito, sinibak daw ang apat na hepe ng iba’t ibang dibisyon ng BOC-Davao tulad ng x-ray, station commander, Sasa at isa pa.
Ang apat na ito ay iniipit daw ng opisyal ng Port of Davao dahil sila ang sinisisi sa nangyari sa labing-isang container vans ng smuggled items.
Kawawang apat!
Isa sa apat na ito ay handa raw magsalita laban sa ‘opisyal’ na nasa likod ng kalokohang ito sa BOC-Port of Davao.
Kailangang magpaliwanag si Port of Davao District Collector Atty. Arastus Sandino Austria sa isyung ito.
Bago siya napunta sa Port of Davao, galing siya sa Manila International Container Port (MICP).
Dati siyang spokesperson ng BOC main office.
Kawawa naman si Pangulong Rodrigo Duterte mula sa mga opisyal ng pamahalaan na sumisira sa kanyang pangalan sa sarili niyang lugar.
Ay naku!
oOo
Para sa sumbong, mag-email operarioj45@gmail.com, o kaya magtext sa 0956-951-00-57.
339 