FAKE! SULAT NA PIRMADO NI GIBO, ‘MADE IN CHINA’ — AFP

INIHAYAG ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na may mga indikasyong China ang nasa likod ng kumakalat na pekeng liham na umano’y pirmado ni Defense Secretary Gilberto “Gibo” Teodoro Jr.

Ayon kay AFP spokesperson for the West Philippine Sea Rear Admiral Roy Vincent Trinidad, tinitingnan ng militar ang mga indikasyon sa likod ng naturang dokumento.

“Sa military, we look at indicators and indicators will point na ito ay galaw ng Chinese Communist Party or yung kanilang mga galamay na minsan may kasamang Pilipino doon,” pahayag ni Trinidad sa virtual press interview.

Samantala, mariing itinanggi ng Department of National Defense (DND) ang naturang liham at sinabi nitong bahagi umano ito ng panibagong serye ng foreign interference at malign influence.

Nagbabala ang DND sa publiko laban sa fabricated letter na umano’y pirmado ni Defense Secretary Gilberto Teodoro Jr. at naka-address sa isang Peter Enzminger.

Ayon kay DND spokesperson Assistant Secretary Arsenio Andolong, walang katotohanan ang dokumento at ang mga nilalaman nito, at nairefer na sa National Bureau of Investigation (NBI) ang usapin para sa imbestigasyon.

Nakasaad umano sa pekeng liham ang mga pahayag tungkol sa operasyon sa Ayungin Shoal at sa pakikipagtulungan ng Pilipinas sa Estados Unidos. Kabilang din sa mga alegasyon dito ang umano’y pagtataguyod ni Teodoro sa interes ng Amerika sa West Philippine Sea at sa iba pang usaping pampulitika sa bansa.

Bahagi rin umano ng liham ang alegasyon na sadyang inilantad ng pamahalaan ang umano’y marahas na taktika ng China sa Ayungin Shoal at mas inuuna ni Teodoro ang alyansa sa Estados Unidos kaysa sa mga lokal na usapin, kabilang ang impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.

Tinawag ito ng DND na panibagong halimbawa ng foreign interference at malign influence na naglalayong siraan ang lehitimo at naaayon sa batas na mga hakbang ng pamahalaan para sa soberanya at integridad ng teritoryo ng Pilipinas.

Ayon naman kay RAdm. Trinidad, posibleng may interes ang China sa pagpapakalat ng naturang dokumento dahil maaari umano nitong maapektuhan ang relasyon ng Pilipinas at Estados Unidos.

“We don’t have to look far. Sino ba ang may makinabang kapag lumabas ito at nag-away-away ang Pilipino at nasira ang reputasyon ng ating SND at na-discredit ang alliance with the US?” ani Trinidad.

Gayunman, ang sinasabing pagkakasangkot ng China ay pahayag at assessment ng AFP, habang isinasagawa pa ng NBI ang imbestigasyon upang matukoy ang pinagmulan at responsable sa pagpapakalat ng pekeng dokumento.

(JESSE RUIZ)

72

Related posts

Leave a Comment