NABISTO ang lumang modus sa pagpupuslit ng kontrabando matapos masabat ng mga awtoridad ang isang ambulansiya na may kargang mahigit P1 milyon halaga ng hinihinalang smuggled cigarettes sa checkpoint sa Kapatagan, Lanao del Norte, kamakalawa ng madaling araw.
Pinahinto ng mga tauhan ng PNP 2nd Provincial Mobile Force Company ang isang Toyota Hiace emergency patient transport vehicle sa Purok 1, Barangay Bansarvil 1 habang bumibiyahe mula Sultan Naga Dimaporo patungong Kapatagan.
Ayon sa Police Regional Office-10, napansin ng mga pulis na walang blinker at sirena ang sasakyan kaya isinailalim ito sa inspeksyon.
Nang tingnan ang likurang bahagi ng ambulansya na natatakpan ng kurtina, tumambad sa mga awtoridad ang mga kahon ng sigarilyo.
Nakumpiska umano ang 22 master cases ng New Far Red cigarettes at limang master cases ng iba pang brand na tinatayang nagkakahalaga ng P1.08 milyon.
Dinakip din ang 31-anyos na driver ng ambulansya at ang kanyang 19-anyos na kasama at dinala sa Kapatagan Municipal Police Station para sa dokumentasyon.
Batay sa paunang impormasyon ng pulisya, hiniram umano ng driver ang ambulansiya sa isang kaibigan nitong empleyado ng lokal na pamahalaan ng Sultan Naga Dimaporo.
Patuloy pang bineberipika ng mga awtoridad ang naturang impormasyon at kinukuha ang panig ng lokal na pamahalaan at ng mga naaresto.
Nasa kustodiya muna ng 2nd Provincial Mobile Force Company ang sasakyan at mga nakumpiskang sigarilyo habang hinihintay ang pormal na turnover sa Bureau of Customs para sa kaukulang disposisyon at posibleng legal na aksyon.
(JESSE RUIZ)
85 