UMAASA NG MEDALYA, PERO SA SUPORTA NGANGA

GEN Z TALKS ni LEA BAJASAN

GUSTO natin ng medalya. Gusto natin ng panalo. Kapag may atletang kumakatawan sa bansa, gusto natin silang lumaban nang buong lakas at umuwi na may dalang karangalan. Pero bago natin tanungin kung bakit hindi sila nanalo, baka kailangan muna nating itanong kung nabigyan ba natin sila ng sapat na suporta para makalaban nang maayos.

Ito ang dahilan kung bakit nakababahala ang ibinahagi ni Alas Pilipinas Men captain Bryan Bagunas tungkol sa kanilang kalagayan bago at habang lumalahok sa 2026 Asian Games. Ayon kay Bagunas, wala silang natanggap na allowance mula sa Philippine National Volleyball Federation mula Hulyo. Dahil dito, may mga manlalarong nangungutang sa ibang players o sa ibang tao para lamang makapunta sa training at makauwi. May mga pagkakataon ding pito o walo lamang ang nakapag-eensayo dahil may ilang walang pamasahe.

Hindi ko maiwasang isipin kung gaano kabigat iyon para sa isang atleta. Habang dapat nakatutok sila sa ensayo, laro at paghahanda para sa Asian Games, kailangan pa nilang isipin kung paano sila makapupunta sa susunod na training. Mas lalo itong nakababahala dahil sinabi rin ni Bagunas na karamihan sa mga manlalaro ay student athletes at nagtutulungan na lamang sila para makapag-ensayo nang kumpleto.

Pagdating naman sa Japan, sinabi ni Bagunas na ang allowance na natatanggap nila ay mula sa Philippine Sports Commission. Ngunit kapag hindi sila umaabot sa meal time ng hotel dahil sa training schedule, sila na mismo ang gumagastos para sa lunch at iba pang pagkain. Sariling pera na naman.

Dito ako napaiisip. Kung alam na ang training schedule at alam na maaaring hindi tugma ang oras ng training sa oras ng pagkain sa hotel, bakit walang malinaw na paraan para matugunan iyon? Hindi naman komplikadong problema ang pagkain. Kung hindi praktikal na bumalik sa hotel, dapat may nakahandang petty cash ang team manager para sa pagkain, pamasahe at iba pang agarang gastusin ng mga atleta. May resibo, may record at may pananagutan. Ang hindi dapat mangyari ay ang atleta mismo ang unang maglalabas ng pera para sa pangunahing pangangailangan niya.

Hindi rin patas na tingnan lamang ang problemang ito bilang simpleng usapin ng allowance. Ang isang national team ay maraming kailangang paghandaan bago pa man dumating ang kompetisyon. Kasama rito ang transportation, pagkain at iba pang gastusin na maaaring lumitaw habang nagsasanay at bumibiyahe ang mga manlalaro.

Hindi dapat kailangang hintayin na magsalita ang isang atleta bago malaman na may problema pala.

Aminado naman ang PNVF na hindi naging sapat ang naging suporta nito at humingi ito ng paumanhin sa mga atleta. Ipinaliwanag din ng federation na ang bagong pamunuan ni Frank Lao ay humarap sa mga dating pananagutan at obligasyon ng organisasyon.

Ayon sa PNVF, nag-abono rin si Lao para matugunan ang agarang pangangailangan ng national teams, kabilang ang allowance ng men’s team at ilang gastos para sa Asian Games.

Mabuti na may ginawa silang paraan. Pero para sa akin, hindi dapat doon nagtatapos ang usapan. Ang mahalagang tanong ay kung paano sisiguraduhin na hindi na mauulit ang ganitong sitwasyon.

Masakit isipin na madalas ay mas kapansin-pansin ang mga atleta kapag may medalya na silang hawak. Kapag nanalo, maraming bumabati at maraming gustong makisaya sa tagumpay. Pero bago ang medalya, habang nagsasanay sila at nagsasakripisyo, kailangan din nilang maramdaman na may suporta sa kanila. Hindi dapat maging gantimpala ang suporta pagkatapos ng panalo.

Kaya kung gusto natin ng medalya, dapat handa rin tayong suportahan ang mga taong inaasahan nating magbibigay nito. Hindi sapat na sabihing ipinagmamalaki natin sila kapag nanalo na. Kailangan nilang maramdaman iyon habang nag-eensayo pa lang, habang pagod, habang bumibiyahe at kahit bago pa man sila makapasok sa court.

At ngayon na iniutos ng Malacañang ang pag-iimbestiga sa mga ulat tungkol sa kakulangan ng suporta at sariling gastos ng ilang atleta sa Asian Games, sana ay hindi lamang paghahanap ng dapat sisihin ang mangyari. Dapat malaman kung saan nagkulang ang sistema at kung ano ang kailangang baguhin para hindi na maulit.

Dahil ang atleta ay hindi lamang taong hinihintay nating magdala ng medalya. Bago siya maging medalist, isa muna siyang taong kailangang kumain, bumiyahe, mag-ensayo at mabuhay. Ang mga bagay na iyon ay dapat ipanalo muna bago ibigay.

76

Related posts

Leave a Comment