27 LOOSE FIREARMS ISINUKO BAGO MAG-ELEKSYON

SAMPUNG araw bago ang May 12, 2025 Midterm Election, may 27 pang loose firearms ang isinuko sa military.

Ayon sa ulat na ipinarating sa punong himpilan ng Philippine Army, nadagdagan pa ang isinusukong loose firearms sa mga sundalo makaraang panibagong dalawampu’t pitong mga armas ang isinurender sa mga probinsya ng Cotabato, Maguindanao del Sur at dalawang bayan ng SGA-BARMM noong Mayo 1, 2025.

Ayon kay Lt. Col. Erwin Dumaghan, commanding Officer ng 40IB, resulta ito ng mahigpit na kampanya laban sa paglaganap ng hindi awtorisadong armas katuwang ang pambansang pulisya at suporta galing sa komunidad.

Sinabi pa ni Col. Dumaghan, sampung klase ng armas ang narekober mula sa Tugunan, SGA-BARMM, habang labing-pitong armas naman ang isinuko mula sa bayan ng Pikit at Mlang sa Cotabato; Pagalungan at Datu Montawal sa Maguindanao del Sur; at Kapalawan sa SGA-BARMM.

Pormal naman itong iprenesinta kay Army Brig. Gen. Ricky P. Bunayog, commander ng 602nd Infantry Brigade at sinaksihan ni Pikit Municipal Mayor Sumulong K. Sultan, PCol. Gilberto B. Tuzon, Provincial Director ng Cotabato PPO at PLt. Col. Tristan Vergel J. Sablada, chief of police ng Pikit MPS.

Ayon sa pahayag ni Brig. Gen. Ricky Bunayog, “Ang matagumpay na turnover ng mga armas sa ilalim ng SALW management program, ay isang manipestasyon ng patuloy na pagtutulungan, koordinasyon, at suporta ng mga LGU sa ating hinahangad na kapayapaan at kaayusan sa mga komunidad. Ito ay mangyayari lamang kung wala nang loose firearms na pwedeng gamitin sa mga krimen at kaguluhan”.

Binigyang diin naman ni Maj. Gen. Donald M. Gumiran, commander ng 6ID at JTFC, ang commitment ng mga sundalo upang maipatupad ang nakalaang mga programa ng gobyerno ukol sa loose firearms.

“Ang 6ID at JTF Central ay katuwang ninyo sa pagpapatupad ng makabagong programang ito. Kasama ang iba’t ibang ahensya ng gobyerno at mga local official ng mga bayan, nawa’y maging magandang simulain ito upang makamit natin ang kapayapaan, seguridad, at kaunlaran sa Central at South-Central Mindanao,” aniya pa ni Maj. Gen. Gumiran.

Patuloy ang panawagan ng militar sa publiko na makipagtulungan sa awtoridad upang tuluyang maalis ang mga ilegal na armas at mapanatili ang kapayapaan sa buong rehiyon.

(JESSE KABEL RUIZ)

40

Related posts

Leave a Comment