TINUTUGIS ng pulisya ang tatlong kalalakihan na nagpanggap na delivery riders at responsable sa pamamaril sa isang babaeng negosyante sa aktong tinatanggap nito ang parcel sa Gen. Trias City, Cavite noong Miyerkoles ng hapon.
Isinugod sa Divine Grace Hospital ang biktimang isang 37-anyos na ginang dahil sa tama ng bala sa kaliwang dibdib at kaliwang bahagi ng tiyan.
Ayon sa ulat, dumating ang isa sa mga suspek sa bahay ng biktima sa Brgy. Tejero, Gen. Trias City, Cavite bandang alas-3:00 ng hapon, nagpanggap na delivery rider at sinabing may parcel para sa ginang.
Habang tinatanggap ng biktima ang umano’y parcel, ang mga kasama ng suspek na nakaposisyon sa labas ng kalsada ay lumapit at walang sabi-sabing pinagbabaril ang ginang na tinamaan sa kaliwang dibdib at kaliwang bahagi ng tiyan.
Mabilis na tumakas ang mga suspek sakay ng motorsiklo patungo sa ‘di nabatid na direksiyon habang ang biktima ay isinugod sa ospital.
Ayon sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya, nagpapautang umano ng pera ang biktima, at isa sa kanyang pinautang ay umabot ng P1 milyon. Tinangka umano ng biktima na singilin ang umutang subalit hindi na niya matagpuan sa kanilang bahay.
Nagpasya rin ang biktima na magsampa ng kaso laban sa umutang sa kanya. Ito ang tinitingnang anggulo kung may kaugnayan dito ang pamamaril.
Nagsasagawa ng backtracking ang pulisya sa CCTV para sa pagkakakilanlan at posibleng pag-aresto sa mga suspek.
(SIGFRED ADSUARA)
73 