HUMIHINGI ng paliwanag si Samar Second District Rep. Reynolds Michael T. Tan sa Department of Justice (DOJ) hinggil sa paraan ng paghawak nito sa mga matagal nang nakabinbing Petitions for Review (PetRevs) at Motions for Reconsideration (MRs).
Plano ni Tan, miyembro ng House Committee on Justice, na magpatawag ng congressional inquiry upang siyasatin ang estado ng mga nakabinbing PetRevs at MRs.
Nag-ugat ang interes ng mambabatas sa isyu matapos siyang makatanggap ng liham mula sa pamilya ng isang magsasakang napatay noong 2017.
Sa liham kay Acting Justice Secretary Fredderick Vida, hiniling ni Tan ang paliwanag ng DOJ hinggil sa status at procedural history ng nakabinbing MR sa Manas case, gayundin ang mga umiiral na mekanismo ng Kagawaran sa paghawak ng mga kasong matagal nang sumasailalim sa review.
Sinabi ni Tan na nais muna niyang makuha ang opisyal na paliwanag at pananaw ng DOJ bago magpatuloy sa anomang legislative inquiry.
Binigyang-diin ng House justice panel member na anomang hakbang ng Kongreso ay isasagawa nang may paggalang sa kalayaan ng DOJ at sa mga karapatan ng lahat ng panig.
Ayon kay Tan, layunin niyang matukoy kung ang umiiral na sistema ay naghahatid hindi lamang ng makatarungan kundi napapanahon ding hustisya.
Nag-ugat ang Manas case sa ambush killing sa magsasakang si Enrique Manas Sr. noong 2017 sa Sta. Margarita, Samar.
Noong 2019, inirekomenda ng National Prosecution Service ang pagsasampa ng mga kaso laban sa dating military colonel na si Emilio Zosa at mga kasama nito. Kalaunan, naglabas ang Regional Trial Court sa Tacloban ng warrant of arrest noong Setyembre 2021.
Nahinto ang prosecution matapos baligtarin ni dating DOJ Undersecretary Adrian Sugay ang naunang disposition noong Disyembre 2021.
Noong Enero 16, 2025, binaligtad naman ni dating Justice Secretary Jesus Crispin Remulla ang disposition ni Sugay at ibinalik ang prosecution.
Kasunod nito, iniutos ni DOJ Prosecutor General Richard Fadullon ang pagsasampa ng criminal Information, na natanggap ng RTC sa Tacloban noong Marso 19, 2026.
Kalaunan, naghain si Zosa ng MR sa DOJ, na muling nagbalik sa usapin sa departmental review.
Para kay Tan, higit pa sa nakabinbing MR sa Manas case ang dapat tingnan at siyasatin sa usapin ng matagal na pagresolba sa mga PetRev at MR.
(TINA MENDOZA)
94 